Ariella Arida sa halikan nila ni Lassy: Pinakamalansa sa lahat ng malansa!

Ariella Arida, Lassy Marquez at Kit Thompson

TAWA kami nang tawa sa naging sagot ng beauty queen turned TV host-actress na si Ariella Arida nang tanungin tungkol sa nakakalokang kissing scene nila ng stand-up comedian na si Lassy Marquez.

Magkasama ang dalawa sa sexy-psychomedy movie na “Sarap Mong Patayin” with hunk actor Kit Thompson na mapapanood sa Vivamax simula sa Oct. 15.

Kuwento ni Lassy sa virtual mediacon ng movie, na-shock talaga siya nang sabihin ng direktor nilang si Darryl Yap na maghahalikan sila ni Ariella, “Ako talaga ang nag-yuck! Ha-hahaha!

“Kasi naman siyempre, bading ako, tapos babae, beauty queen hahalikan ko! Kadiri, di ba? Sabi ko nga, ito na yata ang pinakamarumi, pinakamalansang pelikula na nagawa ko. Napakarumi talaga.

“Feeling ko nga, dapat dinala siya sa hospital after ng halikan namin!” ang birong chika pa ni Lassy.

Ang natatawa namang reaksyon ng beauty queen, “Pinakamalansa sa lahat ng malansa, sa lahat ng isdang malansa!” 

“Unang kita pa lang namin ni Lassy, yun agad ang pinag-usapan namin. Sabi ko, ‘Hahalikan kita?’ Siya pa yung parang nagdadalawang-isip.

“Ang ginawa ko, tinitingnan ko na lang siya every day kapag magkasama kami sa set para talagang matanggap ko na ito yung hahalikan ko.

“Kung sabi ni Lassy, hindi siya nag-toothbrush (sa kissing scene), okay lang. Nahalikan naman niya yung sipon ko. Yun ang ganti ko. Ha-hahaha!” kuwento pa ni Ariella.

Ngunit kung diring-diri si Lassy kay Ariella, bongga naman ang pinaggagawa niya kay Kit sa movie. Talagang pinapak niya ang katawan ng hunk actor.

Samantala, dahil sa talamak na pagpapangggap at panloloko sa social media, ang iba’t ibang karanasan ng mga nabibiktima ay talaga namang nakababahala at nakapanlulumo.   

Ngayong Oktubre, inihahandog nga ng Vivamax ang pelikulang “Sarap Mong Patayin” na tungkol sa “catfishing” na ang ibig sabihin ay ang paggamit ng ibang imahe sa social media para makapanloko ng tao at makuha ang mga gusto nila.  

At kapag hinaluan pa ng droga ang panlolokong ito, siguradong malaking pinsala sa lahat ng sangkot.

Ang “Sarap Mong Patayin” ay likha na direk Darryl na magbibigay sa mga manonood ng iba’t ibang emosyon. Ang takbo ng kwento at bawat karakter ay magdudulot ng takot, pero dahil nga kay Lassy, na miyembro ng nakaaaliw na Beks Battalion, hindi rin mawawala ang tawanan.

Ito ay malaking break para sa komedyanteng ito na madalas kasama sa pelikula ni Vice Ganda.  

Streaming na sa Vivamax ang “Sarap Mong Patayin” simula Oct. 15. Ito rin ang pamagat ng theme song na inawit ni Marion Aunor.

Read more...