Liza Soberano, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla
TANGGAPIN nga kaya ng tatlong pambatong Kapamilya stars ang challenge ng Cultural Center of the Philippines (CCP)?
Ibinandera ng CCP kamakailan ang bonggang-bonggang plano nila na kuning bida sina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo at Liza Soberano para sa adaptation “Noli Me Tangere.”
“I’m planning on getting millennial actors that our students can relate to, modern actors like Daniel Padilla and Kathryn Bernardo, and Liza Soberano,” ang pahayag ni CCP president Arsenio Lizaso sa report ng ABS-CBN.
Sinabi rin ni Lizaso na napag-usapan na nila ni Education Secretary Leonor Briones ang bagong “Noli Me Tangere” adaptation ngunit wala pang binanggit kung anong platform ang gagamitin nila para rito.
Ayon pa sa opisyal ng CCP nasa pre-production na ngayon ang pagsasadula nila ng “Noli Me Tangere” at nagsimula na rin silang maglista at mag-finalize ng mga role na ibibigay nila sa KathNiel at kay Liza.
Ayon pa sa ulat, baka raw kay Daniel nila io-offer ang karakter ni Elias, habang plano nilang ibigay kay Kathryn ang role ni Salome, at kay Liza naman iaalok ang role ni Sisa.
Ayon pa sa CCP, balak nilang magkaroon ng 12 hanggang 14 episodes para sa bagong adaptation ng “Noli Me Tangere” na ang major objective ay gawing interesting ang nobela para sa senior high students.
* * *
Patuloy ang pag-angat sa international scene ng P-Pop group na BGYO matapos nilang mamayagpag sa Pandora Predictions Chart at Next Big Sound ng Billboard mula Agosto hanggang ngayong Setyembre.
Unang namayagpag ang grupo sa Pandora Predictions Chart matapos nilang makamit ang no.1 spot sa nasabing chart ilang araw bago nila nailabas ang comeback single na “The Baddest.”
Nanatili pa rin ang kanilang paghahari sumunod na linggo. Tumungtong naman sila sa ika-apat na spot sa pangatlong linggo at ikalabing-apat na spot sa pang-apat na linggo.
Ngunit, pumanik naman sila ng apat na spot ngayong linggo at nasa ika-sampu na silang pwesto sa nasabing chart.
Pumasok din muli ang grupo sa Next Big Sound ng Billboard at nakamit ang no.1 spot sa magkasunod na linggo matapos magdebut sa ika-anim na spot noong Mayo.
Bumaba naman sila sa ikalawang spot noong third week; ikaapat na spot noong pangapat na linggo; at sa kasalukuyan ay nasa 14th spot sila.
Kinikilala sa Pandora Predictions Chart ang artists ayon sa kanilang malaking potensyal na sumikat. Samantala, sa Next Big Sound Chart naman makikita ang pinakamabilis na sumikat na musical artists linggo linggo, base sa paglabas nito sa lahat ng kilalang social music sites ayon sa official page ng Pandora Predictions Chart.
Habang patuloy na nakikilala ang grupo sa ibang bansa, naghahanda na rin sila sa makasaysayang sibling concert kasama ang BINI na “One Dream: The BINI & BGYO Concert” na magaganap sa Nob. 6 at 7.