Nikko Natividad umamin: Naging greedy ako, naghangad ng maraming pera

Nikko Natividad

AMINADO ang actor-dancer na si Nikko Natividad na naging gahaman siya sa pera noon na naging dahilan daw kung bakit sila na-scam ng kanyang partner.

Hanggang ngayon ay sariwang-sariwa pa rin sa kanyang isipan yung araw nang mabiktima sila ng sindikato last year at matangayan ng P4 milyon. 

Ayon kay Nikko, limang taon niyang pinag-ipunan ang nasabing halaga na biglang nawala na parang bula. Dahil dito, talang inatake raw siya ng matinding depresyon.

Kuwento ng Kapamilya actor sa chikahan nila ni Ogie Diaz sa isang vlog nito, sinisisi rin nila ng kanyang partner na si Cielo Eusebio ang mga sarili sa nangyari.

“Nagso-sorry kami sa isa’t isa. ‘Dapat hindi tayo napasok sa ganito, pinilit kita’, sabi ng asawa ko. Sabi ko, ‘hindi, ako ito’. Naging greedy ako. Siguro yun ang mali ko. Atat ako magkabahay. Naghangad ng maraming pera,” pahayag ng Hashtag member.

Kuwento ni Nikko, isa siya sa mga nagreklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil nga sa napasukang investment scam. 

Base sa naging pahayag ng aktor, nag-invest siya sa negosyo ng nasabing scammer bilang financer sa casino. Naniwala naman siyang legit ito dahil sa ipinakita sa kanyang DTI permit at valid IDs.

Yung una raw niyang in-invest na P500,000 ay agad nadoble after a month na ipinasok agad sa bank account niya. Dito na raw siya sinabihan na pwede pang lumaki ang kita niya kung gusto pa niyang pagulungin ito.

“Kahit sinong nasa sitwasyon na yun, hindi ka aayaw. Bakit ka aayaw? Kumikita ka ng malaki, eh. Nakuha niya yung loob ko eh,” aniya.

Hanggang sa umabot na nga sa P4 million ang na-invest niya ngunit kasunod nito, hindi na nga bumalik sa kanya ang pinaghirapang pera.

May pagkakataon pa nga raw na kinuwestiyon niya ang Diyos sa mga nangyari, “Sana sa P1 million pa lang, niloko na ako. Kung gusto akong turuan ni Lord, matututo naman ako. Bakit kailangan umabot sa ganu’n?

“Yung pera na ‘yun, kinita ko sa malinis na paraan ‘yon. Kaya sabi ko, ano kaya reason ni Lord?” aniya pa.

Nu’ng panahong yun, naisip ni Nikko na iwan na ang nirerentahang bahay sa Metro Manila at bumalik na lang  sa Bulacan dahil nga baka hindi na sila makapagbayad ng upa.

Pero pinigilan siya ng kanyang girlfriend, “Uuwi tayong talunan? Hindi. Laban lang.”

Ang ginawa nila, para makapagsimula uli, nagbenta sila ng mga kanilang mga gamit hanggang sa unti-unti na nga silang nakabangon. 

Suwerte rin si Nikko dahil kahit patuloy pa rin ang banta ng pandemya ay hindi siya nawawalan ng trabaho kaya naniniwala siya na laging may magandang plano ang Diyos para sa bawat tao sa mundo.

Read more...