Herbert Bautista
NAKABIBINGI ang katahimikan ni dating Quezon City Mayor Herbert Bautista kaya hindi pa natin alam kung may balak pa itong kumandidato sa 2022 elections.
Dati ay nasabi ni Mayor Bistek na hindi siya kakandidato dahil gusto muna niyang magpahinga sa politika at bigyan ng panahon ang mga anak dahil lumaki sila ng hindi niya nabantayan.
And on the side ay itutuloy niya ang showbiz career niya kaya kinuha niyang manager ang Cornerstone Entertainment ni Erickson Raymundo.
Sunud-sunod ang naging project ni HB, nauna nga ang teleseryeng “Make It With You” nina Liza Soberano at Enrique Gil at sinundan ng iWant movie na “Silly Red Shoes” nina Francine Diaz at Kyle Echarri.
Nakasama rin siya sa digital series na “The House Arrest of Us” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla at ang fantasy-comedy series na “Puto” na napanood sa TV5.
May ilang kaibigan din kaming nagsabing wala na ngang balak kumandidato si Bistek dahil ang tatakbo raw ay si Tates Gana, ina ng dalawa niyang anak na sina Athena at Harvey.
Pero heto’t may nagbulong sa amin na abangan kung anong posisyon ang tatakbuhin ni Bistek kapag nag-file na siya ng certificate of candidacy sa Okt. 8.
Sitsit naman ng isa pa naming source ay senado ang susunod na puntirya ni Mayor Herbert at mula sa partido nina Sen. Ping Lacson na kakandidado bilang Presidente at Tito Sotto sa pagka-bise presidente ng bansa.
Ayon naman sa taong malapit kay HB, “Walang binabanggit, tinatanong ko hindi naman sumasagot kaya abangan na lang natin sa October 8 kung anong posisyon.”
Sabi nga, kapag may plano sa pagpasok sa politika ay huwag munang ipagsasabi dahil tiyak na paghahandaan ka ng kalaban.
Kaya ito ang dahilan kung bakit nananahimik pa rin si Bistek — diguradong manggugulat na lang ang aktor-politiko.