Sunshine Guimary nagsisi sa pa-house tour, sinugod ng stalker: Mahal na mahal daw niya ako!

Sunshine Guimary

“LESSON learned sa akin na nag-house tour ako sa bahay ko na hindi ko dapat ipinakita nang buong-buo mula sa pagpasok sa gate at kung saan ko inilalagay ang mga gamit ko sa loob ng bahay.” 

Ito ang bahagi ng kuwento ng sexy star na si Sunshine Guimary, isa sa cast ng pelikulang “House Tour” mula sa Viva Films.

May pros ang cons ang pagha-house tour lalo na sa mga kilalang personalidad na nakapagpatayo ng magandang bahay o ang mga ordinaryong netizens na nagsikap sa buhay hanggang sa makamit  ang kanilang dreams house.

Kung YouTuber ka ay magandang content ito dahil mataas ang views and at the same time, nagbibigay ka pa ng inspirasyon sa mga netizens  na magsisimula namang magpagawa ng bahay.

Ang disadvantage naman ay may mga taong iba ang iniisip kapag nakakapanood ng magandang bahay dahil dito nagsisimula ang pagpaplano kung paano gawan ng masama ang mga taong nakatira roon. Sa madaling salita, ninanakawan at worst ay papatayin pa sila kapag hindi nakunteto sa nakuha.

At ito ang pinagsisihan ni Sunshine nang mabasa ang script ni Direk Roman Perez, Jr. para sa “House Tour” na posibleng mangyari sa kanya ang kuwento ng pelikula.

Nasabi ito ng sexy actress dahil nu’ng nag-house tour siya sa bahay niya ay idinetalye niya ang lahat.

“Bilang vlogger at YouTuber darating talaga sa part na mauubusan kayo ng content at once kasi na ‘yung mga suki mong viewers, number one talaga nilang nire-request ‘yung house tour.

“So nagawa ko nga at I regret talaga na ginawa ko na madetalye na mali ko na hindi ko dapat ginawa.

“Lahat ng nakatayo sa bahay nasabi ko, ganu’n ka-informative. Nag-regret ako kasi masyadong madetalye pati wardrobe kung saan ko inilalagay lahat ng gamit ko pagdating ko sa bahay,” kuwento ni Sunshine.

Tanong ng host ng mediacon na si Giselle Sanchez kung bakit nagsisisi si Sunshine, “Nag-regret ako kasi to the point masyadong detailed kasi later on may dumating sa bahay na stalker.

“Lumipad siya from ganitong place dumating siya sa subdivision tapos sabi niya poprotektahan daw niya ako something-something.

“Nagsiga-siga na si guard at sinamahan, sabi ko bakit n’yo tinunton sa bahay, puwede naman sa admin office na lang (subdivision).

“E, kasi ako raw ang sadya, si tao dumating ng 2 a.m. sabi ko, paalisin n’yo po o mag-book na lang siya sa hotel o kung anuman diyan at mag-usap na lang kami kinabukasan.

“Kasi 2 a.m. nangyari, tulog na ako at tumatawag ‘yung guard.  Sabi ko hindi ko siya kakausapin kasi hindi tama ‘yung oras.

“So si mama (stalker) naghintay hanggang kinabukasan na, 6 a.m. nandoon pa rin siya sa guardhouse at ayaw niyang umalis. So dinala ni guard sa bahay at alam niya ang location ko lahat at nandoon siya sa front gate.

“So tinanong ko kung anong sadya at sabi niya, ‘mahal na mahal daw niya ako at poprotektahan niya ako kasi may a-attack daw sa akin.

“Tapos kami 8 a.m. as in mainit na sa labas lahat kami pawis na pawis at kaming lahat gutom na kasi walang breakfast.

“So, it turned out na tumawag na lang kami ng pulis at sabi ko na kung nakapagpamasahe (gumastos) ako na po magpapamasahe sa inyo pabalik kung saan man kayo galing.

“Trauma ang nangyari sa akin as in two weeks na hindi ako lumabas at hindi ako puwedeng walang kasama as in ‘yun ang lesson talaga na worst ang nangyari.

“Kaya dito sa movie (House Tour), paano pala kung ganito nangyari, buhay pa kaya ako?” detalyadong kuwento ni Sunshine.

Kaya ang payo ni Sunshine sa mga content provider, “Kung plano ninyong magpa-house tour, pag-isipan ninyong mabuti as in 10 times.”

Nabanggit pa ng dalaga na puwede naman daw ang house tour pero huwag ipakita lahat para hindi magkaroon ng ideya ang masasamanf loob.

Anyway, intriguing ang kuwento ng pelikula ni direk Roman dahil nangyayari talaga ito sa panahon ngayon na maraming pamilya ang biktima ng akyat bahay gang kaya abangan ang “House Tour” sa Okt. 22 sa Vivamax na produced ng Viva Films.

Bukod kay Sunshine, kasama rin sa movie sina Diego Loyzaga, Cindy Miranda, Marco Gomez, at Mark Anthony Fernandez.

Kasama rin bilang suporta sina Rafa Siguion-Reyna, Chad Kinis, Abby Bautista, Juliana Parizcova Segovia, Jeffey Hidalgo, Jobelyn Manuel, Liz Alindogan, Raquel Monteza, Angie Castrence, at Jim Pebanco.

Read more...