Jak Roberto, Lani Mercado, Bong Revilla at Klea Pineda
GRABE ang hugot ng Kapuso hunk na si Jak Roberto nang mapag-usapan ang tungkol sa issue ng pakikipagrelasyon sa isang taong hindi mo naman talaga mahal.
Nagkuwento kasi ang boyfriend ni Barbie Forteza sa isang panayam tungkol sa bago niyang project sa GMA, ang “Stories From The Heart: Never Say Goodbye,” kung saan makakasama niya sina Klea Pineda at Lauren Young.
Gagampanan niya sa nasabing Kapuso series ang role ng isang nursing student na magsasakripisyo para sa pamilya at sa pag-ibig.
Siguradong marami raw ang makaka-relate sa kuwento nito lalo na sa karakter niyang si Bruce na may simpleng pangarap lang sa buhay na magiging caregiver sa abroad.
Magbabago nga ang takbo ng kanyang buhay hanggang sa makauwi muli sa Pilipinas.
Sa isang bahagi ng panayam, natanong si Jak tungkol sa pagpasok sa isang relasyon at natutunan na lang mahalin ang kanyang dyowa.
“Mahirap ‘yon. Kung hindi ka pa nakaka-move on sa isang tao, mali na pumasok sa isang relasyon o sa isang tao na hindi pa buo yung pagmamahal mo sa kanya,” pahayag ni Jak.
Aniya pa, “Naniniwala ako na dapat pure yung love mo palagi. Walang halong ano, dahil magkakaroon ng comparison ‘yan. Lagi mong iko-compare yung ex mo sa present mo.”
Napahinto siya sandali sa pagpapaliwanag sabay sabing, “Anong nangyayari sa akin, bakit ang lalim ng hugot ko? Ha-hahaha!”
Sa Oktubre na mapapanod ang “Stories From The Heart: Never Say Goodbye” sa GMA Afternoon Prime.
* * *
Ngayon pa lang ay inaabangan na ng mga netizens ang pasabog na sorpresa ni Sen. Bong Revilla para sa selebrasyon ng kanyang 55th birthday.
Tulad noong nakaraang taon, sa halip na mag-celebrate kasama ang pamilya at mga kaibigan, mamamahagi muli ng tulong at papremyo si Sen. Bong.
Maki-party sa Facebook Live ng aktor at senador para sa “Kap’s Agimat Birthday Giveaway” na gaganapin sa mismong kaarawan niya sa Sabado, Sept. 25 at sa Linggo, Sept. 26.
Kagaya ng mga nakaraan niyang pa-“Amazing Giveaway,” santambak na gadgets (laptop, cellphone at Ipad) ang ipamimigay, dagdag pa ang Kabuhayan Package at cash prizes para maihatid ang tulong sa taumbayan saan mang sulok ng bansa.
Sa mga interesadong sumali, mag-fill out lang sa Google form link at isumite ito sa social media account ni Sen. Bong. Kailangang mag-subscribe sa kanyang official You Tube Channel at i-click ang notification bell upang masigurong updated sa kanyang pa-giveaway.
Buksan lamang ang https://bit.ly/AGIMATBIRTHDAYGIVEAWAY para sa Google form link.
Samantala, tuloy na tuloy na raw ang book 2 ng Kapuso action-fantasy mini-series ni Sen. Bong na “Agimat ng Agila” sa GMA 7.
Balitang isang sikat na Kapamilya actor ang makakasama ng senador sa second season ng weekly series na siyang gaganap na bagong kontrabida sa kuwento.
Ngunit ayaw pang banggitin ni Sen. Bong kung sino ang male star na ito.