MUKHANG walang katapusan ang pag-atake ni Cristy Fermin sa asawa ng pambansang kamao na si Jinkee Pacquiao.
Sa online show nito ay muli na namang binanatan ng kulumnista si Jinkee ukol sa mahabang post nito sa Instagram para sa asawang si Sen. Manny Pacquiao.
Sa nasabing post nga ay ibinahagi ni Jinkee ang kaniyang lubos na pagsuporta sa asawa na kamakailan lang ay nag-anunsyo ng pagkandidato nito sa pagka-presidente sa darating na eleksyon 2022.
“‘Yung pahayag naman ni Ms. Jinkee Pacquiao sa kanyang IG post na sinabi niyang may basbas ng Panginoon ang pagtakbo ni Sen. Manny Pacquiao sa panguluhan, katulad rin daw noong walong sinturon sa iba’t ibang dibisyon na siya ay pinagpala ng Diyos kaya niya nakuha,” saad ni Cristy.
Totoo naman daw ang kasabihan na hindi matutuloy kung walang basbas ng Diyos. Maaari daw na hindi matuloy at magkaroon ng hadlang kung hindi para sa’yo ang isang bagay ngunit kung may basbas ng Diyos ay siguradong mapapasayo ito.
Ngunit hindi naman daw ‘yun ang dapat pagtalunan dahil tila admin na naman daw ang nasa likod ng mahabang post.
“Ang dami-dami kong kaibigan na kausap kanina, ‘Naku! Mas maganda kung mismong si Jinkee ang magpo-post, mas may puso’.
“Admin na naman ang itinuturo. Kasi, ang kanya pong pahayag ay Ingles mula umpisa hanggang kadulu-duluhan,” kuwento ni Cristy.
Giit niya, hindi naman niya minamaliit si Jinkee ngunit alam lang talaga niya at naririnig naman daw ng madlang pipol ang kaniyang istilo ng pag-i-ingles.
“Siguro ito na ‘yung panahon na dapat talaga, si Jinkee na ‘yung nakikipag-usap sa ating kababayan, hindi na ‘yung admin,” hirit ng kolumnista.
Saad naman ng co-host ni Cristy na si Rommel, hindi raw niya ramdam ang sinseridad ni Jinkee sa post. Dagdag pa niya, mas maa-appreciate pa raw ng mga tao kung tatagalugin nito ang mga sinasabi niya dahil mas maiintindihan at mas kakatok sa puso ng mga tao ang sinulat niya.
Hirit pa ulit ng kolumnista, dapat daw ay magsimula na si Jinkee na mamili sa Divisoria at itabi muna ang mga branded na pag-aari niya sa closet dahil ang isang nangangarap na first lady ay modest daw at para na rin hindi mailang ang mga tao na lapitan sila kung sakaling manalo si Manny sa eleksyon.