NAGSANIB-PWERSA ang Department of Transportation at Pasay City government para sa pagtatayo ng Integrated Pasay Monorail and EDSA-Tramo Flyover Extension Project.
Ito ang magandang balita na ibinandera no DOTr Sec. Art Tugade sa publiko sa pamamagitan ng kanyang official Facebook page.
Aniya sa kanyang FB post, “Pumirma tayo ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOTr at Pasay City Government, sa pangunguna ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, para sa pagtatayo ng Integrated Pasay Monorail and EDSA-Tramo Flyover Extension Project.”
Ayon pa sa Kalihim, “Nang aking malaman ang benepisyo ng proyektong ito, hindi ako nag-atubiling pumayag at suportahan ang monorail project na ito.”
Inisa-isa pa niya ang mga benepisyong matatanggap ng mga Filipino kapag nakumpleto na ang mga nasabing proyekto.
“Bakit ko naman po hindi natin susuportahan? UNA: trabaho para sa Pilipino. ‘Yan naman po ang paulit-ulit kong sinasabi na karugtong ng mga proyekto para sa kaunlaran ay trabaho para sa Pilipino.
“IKALAWA: Mas madaling maaabot ng tao ang pinaka-puso o ang central business district ng Pasay: ang Bay Area.
“IKATLO: Maiibsan natin ang traffic. Bawas ang sasakyan, less carbon footprint at mas masiglang kapaligiran para sa Pasay City,” pahayag pa ng opisyal.
Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, ipinagdiinan niya na kapag natapos na ang Integrated Pasay Monorail and EDSA-Tramo Flyover Extension Project ay maiibasan na rin ang hirap at sakripisyo ng mga commuters o pasahero.
“At higit sa lahat po: Hindi na mahihirapan ang ating mga pasahero lumipat-lipat sa LRT1, MRT3, EDSA Busway, at EDSA Greenways Project, dahil ikokonekta natin ito sa ating railway systems,” sabi pa ni Sec. Tugade.