Sa wakas, church wedding nina JC de Vera at Rikkah Cruz natuloy na: The stars finally aligned!

Rikkah Cruz at JC de Vera

TATLONG taon makalipas ang kanilang civil wedding, nagpakasal na rin sa simbahan ang mag-asawang JC de Vera at Rikkah Cruz-de Vera.

Matagal nang na-delay ang church wedding ng dalawa nang dahil sa COVID-19 pandemic at sa wakas, natupad na rin ang kanilang hiling na ma-bless ng simbahan ang pagsasama nila.

Kahapon, ipinost ng Nice Print Photo sa Instagram ang official wedding photos nina JC at Rikkah na may caption na, “The stars finally aligned.” 

Nag-post din si JC ng ilang litrato na kuha sa kanilang kasal kung saan makikita ang aktor suot ang kanyang white suit na gawa ni Paul Cabral habang napakaganda  naman ng kanyang bride with her Francis Libiran wedding gown.

Wala namang nabanggit sa IG post kung kailan naganap ang kasal pero isang netizen ang nag-comment na naganap ang nasabing kasalan sa San Antonio De Padua Church, sa Silang, Cavite.

Kung matatandaan, noong March 2021 lang inamin ng Kapamilya actor na nagpakasal na sila ni Rikkah noon pang 2018.

Sa isang vlog ng kapwa niya Kapamilya star na si Erich Gonzales naikuwento ni JC ang tungkol sa civil wedding nila ng non-showbiz wife pero talagang inilihim muna nila ito para na rin sa privacy ng kanilang pamilya.

“Well, hindi ko sinasabi lahat sa social media. I’m trying my best not to live a double life. Pinu-post ko lang kung ano yung sa tingin kong makaka-inspire, yung makaka-spread ng positivity.

“Pero hindi ko siya ginagamit as platform to tell everything about me,” paliwanag ng aktor.

Sa nasabi ring panayam ibinalita ni JC na anytime this year magaganap ang kanilang church wedding, “Kailangan yung church. Hindi ko talaga siya totally nada-digest na hanggang dun lang kami sa civil wedding.

“Gusto talaga namin sa church, kaya parang yung civil wedding, alam namin na parang dumaan lang. 

“So, gusto pa namin mag-prepare ng something really big, yung church wedding. Sure na this year yun,” aniya pa.

May isa nang 3-year-old daughter sina JC at Rikkah — si Lana Athena.

Read more...