Isko Moreno at Willie Ong
CONFIRMED! Nagdesisyon na si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tumakbong presidente sa 2022 national elections.
Ayon kay Manila Public Information Office chief Julius Leonen, bukas, Sept. 22 pormal na ihahayag ng alkalde ng Maynila ang kanyang kandidatura sa isang lugar sa Baseco, Tondo.
Bukod dito, tuloy na rin daw ang pagtakbo ng cardiologist at social media personality na si Dr. Willie Ong bilang running mate ni Yorme.
Kamakailan, nahalal si Isko bilang pangulo ng Aksyon Demokratiko political party. Ito ang naging senyales na tuloy na nga ang pagtakbo ng dating aktor sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
Nauna rito, isang grupo ng mga abogado ang humikayat kay Isko na tumakbong pangulo sa 2022. Anila, “We believe that you are the leader who will bring about a responsive and responsible governance, and usher a new hope for our country.
“We hope that you make yourself available to be the country’s next president,” sabi pa ng mga nasabing abogado.
Bukod dito, ilang grupo rin ng mga negosyante ang nagsusulong ng presidential bid ng alkalde.
Sa panayam ni Toni Gonzaga, nauna nang nagsalita si Isko tungkol sa 2022 elections, “Lahat ng pulitiko, kapag sinawsaw ang paa sa pulitika, ang maximum goal niyan presidency. Career growth ‘yan, ha.
“The dangerous thing to do these coming months is to politicize the situation. There is a time for that. And I will be honest to the people, and be fair, at the very least, by saying it at the right time.
“Ngayon, mauna na kayo. Atat kayo, eh,” biro pa ni Yorme.
Wala pang opisyal na pahayag sina Isko at Doc Willie sa balitang sila ang magtatambal sa 2022 elections.