UMAPELA ang ina ng yumaong artist na si Bree Jonson kay Roberto Ongpin na huwag nitong gamitin ang kapangyarihan upang protektahan ang anak sa nangyaring insidente na nagresulta ng pagkamatay ng kaniyang anak.
Kamakailan ay napabalitang natagpuan ang katawan ng dalaga sa banyo ng kanilang tinutuluyang kwarto sa isang resort sa La Union noong Sabado, Setyembre 18.
Ayon sa mga saksi, ang boyfriend nitong si Julian Ongpin ang huling nakasama ng dalaga bago ito matagpuan walang malay sa kanilang tinutuluyan.
Hinuli naman si Julian ng mga pulis sa kasong illegal possession of drugs ngunit napalaya rin sa kabila ng kasagsagan ng imbestigasyon sa tunay na pagkamatay ng dalaga.
Agad namang lumipad papuntang Pilipinas mula sa Canada ang ina ni Bree na si Sally Jonson.
Giit ng ginang, naniniwala ito na hindi drug overdose at suicide ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng anak.
“Kasi ang pinapalabas nila, ang nagci-circulate sa media, sa social media, is that, nag-OD ang anak ko or nag-suicide ang anak ko. Hindi eh,” saad ng ginang sa kaniyang ANC interview.
“I asked my sister to send a picture of my daughter. Kasi gusto kong makita. From that picture alone, makikita mo ‘yung, may mark si Breana dito sa leeg na mahaba, dalawa, tapos meron parang pulang pressure dito sa gitna. So, alam mo ‘yun, parang maiisip mo na something happened there,” pagpapatuloy niya.
Aniya, hindi rin nagtutugma ang mga testimonya ng binata.
“Iba ‘yung lumabas na naging testimony ni Julian din. Ang una ang sabi, nakita daw niya nagkulong sa banyo ang anak ko, and she hanged herself. Tapos ngayon, ‘yung lumabas kahapon, nakita siya on the bed, lifeless. So, ‘di ba?
“And then, kahapon may nag-forward sa amin ng picture ng mugshot ni Julian. Talagang nakakatakot, nakakapanindig-balahibo. ‘Yung arm ni Julian, may mga deep scratches, so parang, ano yun? Talagang nanlaban ‘yung anak ko, sinong gagawa nun sa kanya? Talagang fresh deep scratches sa arm niya,” dagdag pa niya.
Giit rin niya na wala silang laban sa mayamang pamilya ng mga Ongpin.
“Ang sa akin lang, kung may kasalanan ang anak mo, ipagpanagot mo sa kanya ‘yun…
“Sana mabigyan mo ng tamang proseso, idaan natin sa investigation, ‘wag ‘yung idaan ninyo sa power and everything. Iayos natin ito, kawawa naman ‘yung anak ko,” umiiyak na sabi ng ginang.
Nakiusap rin ang ginang sa Department of Justice na mag-issue ng hold departure order laban kay Julian Ongpin.
“I would like to really emphasize the urgency kasi baka si Julian nakalabas na ng bansa,” patuloy nito.
Humingi rin ng tulong ang ginang kay Pangulong Duterte.
“Tutal kababayan ko naman si President Rodrigo Duterte, sana matulungan mo ako makakuha ng shortened quarantine and for justice sa anak ko kasi marami namang signs na hindi siya nag-OD, hindi siya nag-suicide.”