NGAYONG ika-49th anibersaryo ng pagdedeklara ng martial law, nagbaliktanaw ang ating mga kababayan sa mga madilim na pangyayari sa Pilipinas sa pamumuno ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.
Naglabasan rin ang iba’t ibang art cards at mga videos na naglalaman ng mga impormasyon sa tunay na pangyayari nang sumailalim ang buong bansa sa batas militar.
Isa na nga si Bianca Gonzalez sa mga celebrities na nanindigan na huwag kalimutan ang lahat nang nangyari sa nakaraan.
“Para sa mga kabataan who want to know more, hindi gawa-gawa ang kwento ng mga martial law victims. Totoong tao sila, mga anak, kapatid, magulang, lolo’t lola,” saad nito sa kaniyang Twitter account.
Gamit ang mga hashtags na #NeverForget at #NeverAgain, hinikayat nito ang mga kabataan na i-educate amg mga sarili nila ukol sa kasaysayan at ibinahagi rin nito ang isang four-minute video tungkol sa martial law sa kaniyang tweet.
Ang video na ibinahagi ng TV host ay mula sa Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law kung saan nakapanayam ng mga matatanda ang mga millenials ukol sa pananaw nito sa martial law.
Marami sa mga nakapanayam na kabataan ay nagbigay ng positibong sagot at sinabing naging disiplinado ang mga Pilipino noong mga panahon na ‘yon.
Matapos ang tanungan ay ibinunyag ng mga nagtatanong na sila ay mga biktima ng martial law at ikinuwento ang kanilang karanasan.
Matapos ang kanilang pagkukuwento ay nanghingi ng dispensa ang mga millennials sapagkat may ilan na wala raw konkretong kaalaman ukol sa tunay na naganap noon at ang iba naman ay sinabing iba ang turo sa paaralan o di kaya’y hindi ito pinag-uusapan sa eskuwela.
Sa dulo ng video, nakasaad na “To this day, The true story of martial law is not being taught in schools. It’s time to be nice and history books.”
Kamakailan lang nang magsalita si Bianca ukol sa kontrobersyang kinasasangkutan ng kaniyang kaibigan at katrabahong si Toni Gonzaga.
“My stand has always been #MarcosNotAHero,” giit ng TV host ukol sa isyu.