JaMill pinuntahan ng taga-BIR sa bahay: Inaasikaso na po namin ngayon sa tamang paraan

Camille Trinidad at Jayzam Manabat

HINARAP ng magdyowang vloggers na sina Jayzam Manabat at Camille Trinidad o mas kilala bilang JaMill, ang ilang isyung ibinabato sa kanila, kabilang na ang umano’y pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.

Nilinaw din ng controversial couple ang tunay na dahilan kung bakit nila biglang binura ang kanilang YouTube account last month na may mahigit nang 12 million subscribers.

Ikinokonek kasi ito ng mga netizens sa naging kautusan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan na ng buwis ang mga social media influencers at vloggers na kumikita nang malaki.

Ayon sa BIR nasa 250 ang mga personalidad na involved sa vlogging ang iniimbestigahan ngayon hinggil sa tamang pagbabayad ng tax.

“The Bureau of Internal Revenue (BIR) has been receiving reports that certain social media influencers have not been paying their income taxes despite earning huge income from the different social media platforms.

“There are also reports that they are not registered with the BIR or are registered under different tax types or line of business but are also not declaring their earnings from social media platforms for tax purposes.

“Whatever may be the reasons, it is now the most opportune time to discuss the tax obligations of these social media influencers,” ang bahagi ng official statement ng BIR.

Ayon naman kina Jayzam at Camille, totoong nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa BIR hinggil sa usapin ng pagbabayad ng tax bilang mga YouTuber.

Paliwanag ni Jayzam, “Dumating na lang po yung panahon na pinuntahan po kami ni BIR sa bahay para i-educate po kami kung meron pong tax, which is inaasikaso na po namin ngayon sa mga tamang paraan po.”

Pakiusap pa niya sa mga judgmental, “Sa mga nanonood, huwag niyong isiping negatibo kapag yung mga tao ay hinahabol ng BIR. Ibig sabihin, may potensiyal kaming mga vloggers umambag dito sa Pilipinas.”

Isa pa sa mga nilinaw ng magdyowang vlogger na balitang kumikita ng milyun-milyon sa pagba-vlog ay ang pagbebenta ng naipundar nilang bahay.

Ayon kay Jayzam hindi na nila itutuloy ang pagbebenta nito. Bugso lang daw ito ng damdamin nila ni Camille noong kasagsagan ng kanilang mga problema.

“Yun po yung mga panahong lito po kami, hindi po namin alam ang gagawin. Pero ngayon po, straight na po yung pag-iisip namin. Pag-usapan po namin yung mga dapat po naming pag-usapan,” aniya pa.

May bago na ring YouTube channel ang controversial couple na meron na ngayong halos kalahating milyon na subscribers.

Read more...