Mygz Molino at Mahal
SA kauna-unahang pagkakataon naglabas na ng saloobin ang actor-vlogger na si Mygz Molino tungkol sa biglaang pagpanaw ng espesyal niyang kaibigan na si Mahal.
Isang vlog ang ginawa ni Mygz para ialay kay Mahal kung saan naikuwento nga ng binata ang naging health condition ng komedyana bago ito mamatay.
Sumakabilang-buhay si Mahal noong Aug. 31 sa edad na 46 dahil sa digestive complications at COVID-19.
Ayon sa binatang YouTuber, kinunan ang bago niyang vlog matapos bumisita sa puntod ni Mahal sa Himlayang Pilipino sa kauna-unahang pagkakataon. Hindi kasi siya nakabisita sa burol ng komedyana dahil sa COVID-19 restrictions.
Simulang kuwento ni Mygz, matindi talaga ang naging epekto kay Mahal ng pagpanaw ng kanyang amang si Romy Tesorero.
Nu’ng mamatay kasi ang tatay ng aktres ay nasa Batangas ito kasama si Mygz, at hindi agad nakauwi sa bahay nila sa Mahal Metro Manila para sa lamay ng ama dahil sa lockdown.
“Tahimik at minsan bigla na lang magsasalita tungkol sa papa niya. Dinamdam ni Mahal ang pagkawala ng papa niya,” pag-alala ni Mygz sa kundisyon ng komedyana.
Kasunod nito, nakaranas na nga ng COVID-19 symptoms si Mahal tulad ng ubo at lagnat. Unti-unti naman daw na bumuti ang kalagayan nito matapos mag-self isolation at uminom ng mga gamot.
“Inisip ko po talaga masyado lang niya pong dinamdam ang pagkawala ng papa niya, at yun po yung nakapagbigay sa kanya ng stress, pag-iisip niya,” pahayag ni Mygz.
Ngunit sabi ng binata, makalipas ang ilang araw muling nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 ang kanyang kaibigan. Pero ayon sa dalaga, may panlasa at pang-amoy naman daw siya kaya baka simpleng trangkaso lamang ang tumama sa kanya.
“Minsan nga po sinubukan na may ipakain sa kanya na hindi niya alam kung ano iyon. Nahulaan naman po niya. So, kampante po ako. Sabi ko nga po, hindi ito COVID,” ani Mygz.
Pero noong Aug. 30 raw, nahirapan nang huminga si Mahal kaya nagdesisyon na silang dalhin ito sa ospital. Tinawagan na rin nila ang pamilya ni Mahal sa Maynila para ibalit ang nangyari.
“Nagsabi nga po yung doktor 50-50 na nga po si Mahal. That time po kasi, lutang na ako, hindi ko na po alam kung ano yung mangyayari.
“Ayoko naman pong mag-isip ng negative, eh. So, hindi ko po muna pinakinggan yung sinasabi ng doktor,” pahayag ni Mygz.
Makalipas ang ilang oras, idineklara na ng mga doktor na wala na si Mahal “due to severe acute respiratory distress syndrome, secondary to COVID-19.”
Narito naman ang mensahe ni Mygz sa kanyang kaibigan, “Alam ko na masaya ka na ngayon dahil kasama mo si Papa dahil sabi mo nga, hintayin ka ni Papa.
“Pero ngayong sumama ka na sa kanya, alam kong masaya ka na. Ang dami mong mga alaala na iniwan sa amin, sa akin,” aniya pa.