Phillip binanatan ang ilang nakaupong politiko; tinabla na nga ba ang mga kaibigan sa Senado?

Phillip Salvador at Robin Padilla

NGAYON pa lang ay ramdam na ramdam sa mundo ng showbiz ang pagsisimula ng Eleksyon 2022 dahil sa mga paandar at pasabog ng ilang celebrities na may konek sa politika.

Habang mainit pa ring pinag-uusapan ang anunsyo ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa pagtakbo niyang pangulo sa darating na halalan, hot topic naman ngayon ang video ni Phillip Salvador sa isang event.

Dito, nagsalita ang aktor tungkol kay Sen. Bong Go na isa sa mga pinaniniwalaang magiging kalaban nina Pacquiao at Sen. Ping Lacson sa pagkapangulo. 

Grabe ang mga binitiwang papuri ni Phillip kay Bong Go kaya naman may mga nagsabing parang tinabla na rin nito ang lahat ng senador pati na ang mga kaibigan niyang sina Sen. Bong Revilla at Sen. Lito Lapid.

Si Robin Padilla ang nag-post ng video ni Phillip sa Instagram kung saan makikitang nagsasalita ang dating action star sa isang pagtitipon na dinaluhan din ni Sen. Bong Go.

Sey ni Binoe sa caption, “Si Kuya Ipe ang larawan ng Mabuting kaibigan. Masamang kaaway. Panoorin po ninyo at pakinggan ang kanyang talumpati.

“Walang sinuman ang makapagsasabi na hindi totoo ang bawat binigkas na salita ng hari ng pelikulang aksyon ng Pilipinas,” sabi pa ni Robin na patungkol sa pahayag ng kaibigan na parehong die hard supporter nina Pangulong Rodrigo Duterte at Bong Go.

Narito naman ang ilang bahagi ng pahayag ni Phillip, “Marami na ho akong nasamahang politikong tao. Napakarami po.

“Buong respeto po, Cong, Mayor (mga opisyal na nasa stage), hindi po lokal. National. Sinamahan ko po sila. Nangampanya kami. Nangako sila sa mga tao. Ibinoto sila ng mga tao, at nanalo po sila.

“At pagkapanalo po nila, lahat ng kanilang ipinangako, anong nangyari? Napako! Kayo ho ang nagsabi niyan, hindi ako.

“Ngayon ho, sa mga nangyayari. Yung taong nagtatrabaho. Yung taong nagseserbisyo sa inyo, binabatikos. Bakit? Dahil malapit na ang eleksyon. Bakit? Kasi gusto nilang mapansin sila.

“Nu’ng manalo sila na ibinoto mo sila, lahat ng ipinangako nila, hindi nila nagawa. Meron na ho ba kayong nakitang senador, bukod kay Senator Bong Go, sa harapan niyo ngayon? Meron na po bang pumunta sa inyong mga senador?” ani Ipe.

Aniya pa sa mga bumabatikos kay Sen. Go, “Nasasaktan ako sa ginagawa nila sa kanya. Alam ko ho ang ginagawa ni Senator Bong Go. Bakit? Kasama po ako sa lahat na mga pinupuntahan niya para makatulong.

“Pero ano ho ang nangyayari? Sinisiraan nila si Senator Bong Go. Winawarak nila ang pagkatao ni Senator Bong Go. Bakit?

“Kasi naiinggit sila. Hindi nila kayang gawin ang sakripisyong ginagawa ni Senator Bong Go. Maski na COVID, humaharap sa inyo,” ang malalim pang hugot ng beteranong aktor.

Kasunod nito, may mga mag-react namang supporters ng ibang senador tulad ng fans nina Lito Lapid, Bong Revilla at Tito Sotto. Para raw kasing pinalalabas ni Ipe na si Bong Go lamang ang pinakamagaling at ang tanging opisyal na nagtatrabaho sa Senado.

Marami ring IG followers si Robin ang bumanat kay Phillip at sinabing wala raw itong karapatang magsalita tungkol sa responsibilidad at pagtupad sa mga pangako dahil marami rin itong nagawang sablay sa buhay lalo na raw sa pagiging tatay.

Bukas ang BANDERA sa magiging reaksyon ng mga kasamahan ni Bong Go sa Senado hinggil sa mga naging pahayag ni Phillip Salvador.

Read more...