James Yap, Michela Cazzola, Michael James at Francesca Yap
PINASOK na rin ng professional basketball player at ex-husband ni Kris Aquino na si James Yap ang mundo ng pagba-vlog.
Yes, certified vlogger na rin ang Philippine Basketball Association (PBA) star player matapos niyang i-launch ang kanyang official YouTube channel kamakailan.
Para sa kauna-unahan niyang video ipinaliwanag ni James kung bakit nagdesisyon siyang pasukin ang pagiging vlogger at kung ano ang dapat abangan ng kanyang fans sa mga susunod niyang vlog.
Kinunan ang una niyang video sa isang compound kung saan siya nananatili ngayon kasama ang kanyang PBA teammates.
Dito, nag-share si James ng ilan sa ginagawa nilang training bilang paghahanda sa season 46 ng PBA. Aniya, mas matindi ang ginagawa nilang pag-iingat ngayon ng mga kasamahan niya sa Rain or Shine Elasto Painters, sa ilalim ng community quarantine na ipinatutupad ng pamahalaan.
“Sa mga hindi nakakaalam, bubble kami dito sa Pampanga. So ito yung place namin kung saan kami nag-i-stay. Tatlong villas in-occupy namin para sa 25 katao.
“May pool kung saan kami nagwo-workout. Ito yung buhay namin at wala kaming fixed na schedule. Minsan umaga, minsan hapon, minsan ganitong oras, gabi” kuwento ni James.
Kasunod nito, nagkuwento rin ang PBA player sa naging experience niya habang ginagawa ang kanyang first vlog. Inamin niyang na-wow mali siya sa unang pagre-record ng nasabing video.
“Ganyan talaga kapag hindi sanay, feeling vlogger. Ha-hahaha! Kanina pala ako salita nang salita, hindi naka-record. Pinawisan ako du’n ah! Ha-hahaha! Pinagtawanan talaga nila ako!” ang tawa nang tawang chika pa ni James.
Samantala, ibinahagi rin ng basketball player ang mga sinusunod nilang health and safety protocols habang nasa training at kung gaano kahirap ang mga challenges ng hindi makauwi agad after ng kanilang practice.
Nagkuwento rin siya tungkol sa kanyang pagpapagaling matapos magkaroon ng injury, “Hindi kami makalabas. Ang ginagawa namin practice at bahay lang. Ganu’n talaga.
“Tiis-tiis lang para makapagbigay ng saya sa ating mga supporters sa PBA. Makapagbigay saya sa mga fans ng Rain or Shine. Kaya kami nag-wo-workout lagi para makabalik ng 100% sa laro.
“Six months walang laro. Hirap pala talaga pag na-injure. Matanda na, matagal ang recovery. Pero mahirap talaga pag may injury. Nawawala sa timing.
“Gusto ng utak, ayaw sumunod ng katawan. Kaya kailangan papa-condition talaga. Hindi puwedeng babalik ng hindi 100%. Pero ngayon medyo okay na,” pahayag pa ni James Yap.
Maraming fans naman ang nag-suggest kay James na gumawa rin ng vlog kasama ang Italian partner niyang si Michela Cazzola at ang dalawa nilang anak na sina Michael James at Francesca.
Ilang netizens naman ang nagtanong kung posible bang makasama niya sa susunod niyang mga vlog ang anak nila ni Kris na si Bimby.