Malakas ang bulung-bulungan sa opisina ng isang Cabinet official na bababa na sa pwesto ang kanilang pinuno sa darating na Oktubre.
Nagsimula na raw kasing magbalut-balot ang ilan sa kanyang mga malalapit na staff.
Malakas kasi ang apela sa tanggapan ng Pangulo na alisin na ang kalihim dahil sadya namang pabigat na ito sa kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ng aking cricket na malinaw ang cue mula mismo sa Pangulo nang sabihin nito na “it’s up to him” nang tanungin siya kung sisibakin niya ang kontrobersyal na kalihim.
Hindi nga naman sa Pangulo magmumula ang utos pero kung magkukusa ito sa pagbitaw sa pwesto ay tatanggapin na ito ng Malacanang ayon pa sa aking cricket.
Dahil liability na ang tingin sa kanya ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa gabinete kaya marahil ay ramdam na rin naman ng kalihim na kailangan na niyang bumaba sa pwesto.
Kung dati ay nagdadalawang-isip ito na iwan ang posisyon, ngayon ay mas madali na siyang makakapag-desisyon lalo’t hindi naman isinama ang kanyang pangalan sa shorlist ng magiging pambato ng administrasyon sa senatorial race.
Bukod dyan ay magiging pabigat rin ang pangalan ng kalihim sa darating na halalan na makaka-apekto sa mga kandidato ng administrasyon.
Sa dami ng kontrobersiya at kapalpakan ng kalihim dapat ay matagal na siyang inalis ng Pangulo, ayon pa sa aking cricket na nagmamalasakit sa kasalukuyang pamahalaan.
Sa dami nga ng isyu na kanyang kinasasangkutan ay hindi na rin niya mapigil ang minsan ang kanyang emosyon na tila ay nabubwisit na rin sa kanyang mga napasok na kaguluhan.
Di na kailangan ng clue.
Siya lang naman ang kalihim na mahilig sa luxury watches at sports cars.