NAAWA kami sa kuwento ng manager ng aktor na inaasahan ang suweldo niya sa ginawang pelikula pero hindi pa rin naibibigay hanggang ngayon.
Hindi pa naipalalabas sa Pilipinas ang nasabing pelikula dahil mas inuna itong ipalabas sa ibang bansa.
Ilang shooting days na nga lang ang aktor na tinawaran pa ang talent fee at pumayag na rin para magkaroon ng kita dahil mahirap ang trabaho sa panahon ng pandemya ay hindi pa rin naibigay sa oras.
Kuwento sa amin ng manager ng aktor, “Four shooting days lang kasi hindi naman siya bida, pumayag na si _____ (aktor) sa tawad para may panggastos ngayon, pambili ng gamot, vitamins.
“Yung tatlong araw nabayaran pero pahirapan, e, ang usapan kaliwaan talaga. ‘Yung pang-apat wala na hindi na nakikipag-communicate ‘yung field cashier. Walang sagot sa mga tawag at text.
“Pero nagawa niyang tumawag para sa dubbing daw ni _____ (aktor), sabi ko, asan na ‘yung last payment. Hindi na sumagot. Nawala na totally hanggang ngayon wala na,” sabi sa amin.
Hindi lang isang beses namin narinig na may ganitong problema sa movie outfit na maraming artista rin ang hindi nababayaran na ‘yung iba ay dinedma na lang dahil may mga kaya naman, pero paano ‘yung maliliit na artista at may ilang talents din dawn a hindi rin kumpleto ang bayad.
Tinanong namin ang kilala naming talent coordinator kung kanino ang problema na hindi nababayaran ang mga artista at bakit hindi sumasagot ang field cashier.
“Baka naubusan na ng budget kaya hindi sumasagot ang field cashier. Kasi saan siya kukuha o dapat alam ‘yan ng line producer kasi siya ang may hawak ng budget ng buong pelikula. Naibigay na kasi ‘yan ng producer sa line producer.
“So baka nag-overshoot kaya naubusan ng budget, ganu’n lang ‘yun. Dapat kulitin nila ‘yung line producer o kaya ‘yung talent coordinator na kumuha sa kanila para siya ang mangulit sa line producer, wala namang magagawa ang field cashier pag wala na siyang extra money.
“Unless nagastos ng field cashier na hindi alam ng line producer, kaya siguro hindi sumasagot, pero pinagda-dubbing pa kasi hinahanap siya ng direktor at line producer,” ayon pa sa kausap namin.
Grabe! Sa panahon ng pandemya sana naman nababayaran ang mga taong nagbibigay ng kanilang tapat na serbisyo dahil inaasahan nila na sa pag-uwi nila ay may maibibigay sila sa kanilang pamilya.