Mygz Molino at Mahal
SOBRANG nagpapasalamat ang pamilya ng pumanaw na komedyanang si Mahal sa espesyal na kaibigan nitong si Mygz Molino.
Si Mygz kasi ang nakasama ni Mahal o Noeme Tesorero sa tunay na buhay sa mga huling araw nito sa mundo at talagang hindi raw nito pinabayaan ang kanilang kapamilya.
Ayon sa mga kapatid ni Mahal na sina Lani at Jason Tesorero, hinding-hindi nila malilimutan ang ibinigay na pagmamagal at ginawang pag-aalaga ng binatang vlogger sa komedyana noong magkasakit ito.
At hanggang sa huling sandali ng buhay ni Mahal ay si Mygz pa rin ang kasa-kasama ng panganay nilang kapatid.
Sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binanggit muna nina Lani at Jason kung anu-ano ang mga mami-miss nila sa kanilang ate Mahal.
Unang-una raw na hahanap-hanapin nila ngayong wala na ang kapatid ay ang nakakahawang tawa nito. Nabanggit din nila ang pagiging matulungin at mapagmahal ng komedyana.
Sabi nga ni Lani, talagang itinuring ng kanyang ate na parang tunay na mga anak ang kanyang mga anak.
Kasunod nito, nagpasalamat nga ang magkapatid kay Mygz dahil hindi nito iniwan at pinabayaan si Mahal. Ginawa raw ng binata ang lahat para maisalba pa ang buhay ng komedyana.
“Matagal na po namin siyang kilala, may tiwala kami sa kanila. Thankful din kami sa kanila hanggang sa huling hininga ni Mahal inalala nila kung paano gagawin ang lahat para maisalba yung buhay ni Mahal,” pahayag ni Jason.
Samantala, balak ng pamilya ni Mahal na pagsamahin ang abo ng aktres at abo ng kanilang ama na na sumakabilang-buhay na rin kamakailan lamang dahil sa kidney failure, dulot ng COVID-19.
Ayon naman kay Mygz, hindi pa siya handang magpa-interview dahil wala pa siyang lakas ng loob para pag-usapan ang pagkawala ng kanyang kaibigan.
Nauna rito, nagbigay din ng mensahe si Jason para sa pumanaw na kapatid, “We are proud of you. Sa lahat ng na-achieve mo sa buhay. Maraming salamat sa lahat ng tulong na ibinigay mo sa amin. Pati sa fans mo sa pagbibigay saya at halakhak, tawa. Maraming salamat.”
Sabi naman ni Lany, “Mahal na mahal namin siya at hinding-hindi namin siya makakalimutan.”