Yuan ‘Paopao’ Francisco
IN FAIRNESS, sa murang edad ng Kapuso child star na si Yuan “Paopao” Francisco ay marunong na siyang magpahalaga sa pera bilang paghahanda sa kanyang kinabukasan.
Siguradong mapapa-sana all ang mga parents sa pagiging mabuti at responsableng anak ni Paopao na kahit bata pa lang ay alam na kung paano makakatulong sa kanyang pamilya.
Kamakailan lamang, ibinalita ng child actor na nakapagpatayo na siya ng sariling negosyo ngayong panahon ng pandemya sa tulong na rin ng kanyang mga magulang.
Yes, isa nang young entrepreneur si Paopao na nagmamay-ari ng bagong retail shop na nagbebenta ng motorcycle helmets at mga safety gears.
“Helmet ni Paopao” ang pangalan ng kanilang family business at kuwento ng Kapuso child star maganda naman ang naging resulta nito ngayong pandemic dahil nga mas dumami pa ang nagmo-motor at nagbibisekleta na ngangailangan ng helmet at iba pang safety gears.
Sa isang panayam, nagbigay pa ng advice si Paopao para sa mga young entrepreneur na tulad niya pati na rin sa mga batang nais ding magtayo ng sarili nilang business.
Una niyang payo dapat daw matuto muna sila kung paano ang paghawak at pagpapatakbo ng negosyo at ang tamang pagba-budget ng pera.
“Matuto po kayo kung paano po i-handle yung negosyo. Mag-budget po kayo kasi mahirap nga po ang buhay lalo na po ngayong nagkaroon ng pandemic.
“Huwag po tayo mawalan ng pag-asa. Mag-pray lang po tayo kay Papa God,” aniya pa.
Binalikan din ni Paopao ang pagsisimula ng kanilang business, “Yung una po, nag-o-online po kami. Bumibili po kami ng konting helmet tapos naubos po agad.
“Tapos ayun po, nagdire-diretso na po hanggang sa nagkaroon na po kami ng physical store,” pahayag pa ng negosyanteng bagets.
At in fairness uli, talagang nakakaya niyang pagsabayin at balansehin ang kanyang pag-aaral at pagbi-business.
“Pagkatapos ko po na mag-online school, tapos ko na po yung mga homework ko, kapag may free time po ako, tumutulong po ako sa business namin.
“Tinitingnan ko po kung meron pa po kaming stock ng helmet para makapag-restock po ulit kami ng mga helmet na bago,” chika pa ng batang aktor.
Nagsimulang sumikat si Yuan bilang si Paopao sa mga ginawa niyang programa sa GMA. Ilan sa mga ito ang Encantadia (2016), Impostora (2017), at Victor Magtanggol (2018).