Sunshine inatake ng nerbiyos sa ka-loveteam na bagets; payag sa May-December love affair

Fino Herrera at Sunshine Dizon

WALANG issue kay Sunshine Dizon sakaling dumating ang araw na bigla siyang ma-in love sa lalaking mas bata sa kanya.

Napag-usapan ang tungkol dito nang matanong ang bagong Kapamilya actress sa kanyang role sa upcoming teleserye ng ABS-CBN na “Marry Me Marry You” na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino.  

Dalawa ang leading man ni Shine sa serye, ang veteran actor na si Joko Diaz at ang Kapamilya young actor na si Fino Herrera. Kaya nga ang unanh hirit ng aktres, “Ang haba ng hair ko, di ba? Ha-hahaha!”

Ito ang unang pagkakataon na sasabak si Shine sa isang May-December love affair para sa isang teleserye at inamin niya na talagang kinabahan siya nu’ng unang mga eksena nila ni Fino.

“Hindi ako nakuntento kay Joko, humanap ako ng bagets, si Fino. So, iyon iyong twist ng story ni Paula. We will see kung talagang true love ba ito dahil nga parang May-December love affair,” kuwento ng aktres na gumaganap bilang Paula sa “Marry Me Marry You”, isa sa mga ninang ni Camille (Janine) sa kuwento.

“I’m very happy to be working with Fino, he’s very professional and maalaga din on set. So, tingnan natin, magjo-Joko ba tayo, magpi-Fino. Kanino ba tayo kikiligin?

“Alam mo sa totoo lang, kabadung-kabado ako sa unang eksena namin ni Fino. Sobrang kinakabahan talaga ako kasi I’m used to working with an actor of an age or older than me,” pahayag ni Sunshine na ikinumpara pa ang naging role niya sa pelikulang “Rainbow Sunset” kung saan nakatambal naman niya si Albie Casiño.

“Yung sa Rainbow Sunset kasi hindi ganoon ka-intimate yung relationship namin ni Albie. Dito kay Fino, may stage na nagkakitaan, unti unti mai-inlove sila, and then they get to know each other. May ganoong lalim yung relationship ng characters,” paliwanag ni Shine.

Pagpapatuloy pa niya, “Ako po yung kinabahan noong mga unang araw. Nairaos ko naman po. Dinaan ko na lang sa landi. Dinaan ko na lang po sa tingin, sa pangiti-ngiti at sa lahat na po.”

Kasunod nito, natanong nga siya kung posible bang ma-in love rin siya sa mas bata sa kanya in real life, “Bakit naman po hindi? Kasi wala naman sa edad yan. Age is just a number. Why not?” 

Mapapanood na simula sa Sept. 13 ang “Marry Me, Marry You” sa Kapamilya Channel, directed by Dwein Baltazar at Jojo Saguin. Kasama rin dito sina Jake Ejercito, Cherry Pie Picache, Vina Morales, Edu Manzano, Teresa Loyzaga, Lito Pimentel, Jett Pangan, Adrian Lindayag at Keann Johnson, with the special participation of Lotlot de Leon.

Read more...