Senado vs. Digong, sumiklab dahil sa ’emergency Covid-19 biddings’

Tumitindi ang away nina President Duterte at mga senador sa ibinulgar na naglalakihang kontrata nakuha ng Pharmally Pharmaceutical corporation na  P8.7-B sa PS-DBM at P4.84-B sa Department of Health sa loob lamang ng dalawang buwan. Kaliwa’t kanan ang maanghang na salita. Naglabasan tuloy ang mga “bias” ng magkabilang panig.  Nagpyesta ang mga news organizations sa mga “anggulo” sa  isyu pati mga “pulitiko” dahil  tataas na naman ang kanilang  survey ratings lalot sa October 8 ay “election period” na . Pero, naiintindihan ba nating lahat ang mga pinagtatalunan?

Todo-akusasyon sina Senador Franklin Drilon, Richard Gordon, Ping Lacson at Pia Hontiveros laban sa maliit na  Pharmally (P690K capital), pero bilyun bilyon ang naging kontrata.  Bukod sa “overpricing” sa mga medical supplies  , wala raw ginawang “due diligence” sa Pharmally dahil ilang incorporators nito ay “wanted” sa Taiwan. Sumentro din dito  si Davao-businessman Michael Yang na kaibigan ni Digong na pinatawag sa susunod na imbestigasyon . Nadiinan din si dating DBM undersecretary Lloyd Christoper Lao, at ang  umano’y padron nitong si Senador Bong Go. Naunang sumingaw  ang umano’y overpriced face masks at face shields at ngayon naman ay P1M- tongpats na ambulansya na binulgar ni Lacson. Pati si Sen. Manny Pacquiao, sumawsaw at sinabing hindi kwitis ang mga dokumentong isinumite sa kanya dahil marami talagang  anomalya sa P67-B budget kontra COVID-19.

Todo-depensa  ang Malakanyang at iginiit na sumunod  sa itinatakda ng batas na Bayanihan-1 na nilikha mismo ng Kongreso,  ang mga kinuwestyong  “emergency biddings” kabilang na ang ilang Chinese companies at Pharmally. Ito’y noong panahon na  37 medical fontliners na doktor at narses ang namatay  at agarang humihiling ang mga ospital ng mga PPE na panlaban sa COVID-19. Nagutos si Presidente na mabilisang bumili ng  3-M piraso ng kompletong personal protective equipment (PPE)  sa loob ng dalawang araw kahit walang “bidding”. Ito’y upang iligtas agad ang buhay ng mga doktor at narses. Ang “emergency bidding” ay ibinatay sa pinakamababang presyo, kalidad ng PPE at kakayahang magdeliver sa loob ng tatlong araw. Lumapit pa ang PS-DBM at si Sec. Carlito Galvez jr. kay  Chinese Ambassador  Huang Xi-Lian para maituro ang mga Chinese suppliers na kayang mag-deliver ng 3-M PPE units.  Ang “pagador”sa  mabilisang pagkuha ng mga PPE sa mga Chinese supliers ay itong si Michael Yang na kaibigan ng Chinese Ambassador Huang at si Duterte.  Ang unang shipment ng 625,000 PPE units para sa medical frontliners ay  sinundo pa sa China ng dalawang  C-130 ng Philippine Air force at isang Philippine Navy ship.

At dahil magkaiba ang dalawang panig, talagang kapana-panabik ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa Martes, September 7 kina Michael Yang,at  Usec Lloyd Lao.  Plano ring imbestigahan ng Senate Ethics  committee ni Senador Pacquiao ang kasamahang si Senador Bong Go dahil dito.

Kaya naman, magkakaalaman na sa susunod na Linggo. Sa ngayon, ang gusto ng mga nag-aakusang senador ay pahabain pa ang mga isyu para malaman ang punut dulo. Pero mismong si Senador Drilon ay nagsalita na “in fairness”  sa ngayon, wala pa ring ebidensya ng anomalya sa administrasyon  kaya gusto nilang hawakan, imbestigahan  at ilagay sa hold departure order si dating PS-DBM  Usec. Lao.

Nagbanta naman si Pangulong Duterte na uutusan ang mga cabinet members niya na huwag pumunta sa  Senado, bagay na nagpa-ugong sa  posibleng “constitutional crisis” ng executive at legislative branches ng gobyerno.

Sa totoo lang, marami pa akong gustong malaman. Ipatawag din ba ng Senado ang Philippine Air Force at Philippine Navy na kumuha sa China ng unang delivery ng 625K units ng PPE shipment? Ipatawag din kaya ang Chinese Ambassador Huang Xi-Lian na nilapitan ng Malakanyang para mabilis na maghanap ng supplier ng 3M PPE units?

Gawin kaya ng  mga Senador natin? Papayag naman kaya ang Malakanyang?

Abangan!

Read more...