Kiray Celis saksi sa kung paano minahal at inalagaan ni Mygz si Mahal

NANANATILING tahimik ang rumored boyfriend ni Mahal na si Mygz sa kabila ng mga isyu ukol sa pagkamatay ni Mahal o Noeme Tesorero sa totoong buhay.

Ayon kasi sa mga napapabalita ay sinisisi diumano ng ilan sa kapamilya ni Mahal ang binata dahil hindi nito inalagaan nang maayos ang komedyante at inuna pa nitong isipin ang kanyang content na pagpunta sa Guinobatan, Albay para dalawin si Mura, kaibigan at katambal ni Mahal sa showbiz.

Ngunit ang pagpunta nila sa Albay para dalawin at tulungan ang kaibigan ay kagustuhan ni Mahal at kita naman sa kanilang naging vlog kung paano inalagaan at inasikaso ni Mygz si Mahal.

Isa rin si Kiray Celis sa patotoo kung paano itinuring ni Mygz ang kaniyang ate Mahal. Naging close ang dalawa dahil sa kanilang teleserye na “Owe My Love”.

“Hello Ate Noeme ko. Happy ka po dyan kasama ng papa mo?! Sana po hindi ka nahihirapan diyan ate mahal ko.

“At wag rin po natin kalimutan kumustahin ang family ni ate saka ni kuya mygz. Saksi kaming Owe my love family ni ate mahal. Kung gaano niya po mahalin, alagaan, bantayan si ate mahal,” saad ng aktres sa kaniyang latest IG post.

“Sobrang saludo kami kay Kuya Mygz. Pagpray po natin si ate, family niya saka po sila kuya mygz. Salamat po,” dagdag pa nito.

Hanggang ngayon ay labis pa rin ang pagdadalamhati ng mga artista at kaibigan ng komedyante sa biglaang pagkawala nito.

Sa kasalukuyan ay nakarating na ang mga labi ni Mahal sa Quezon City at bukas na ito para sa public viewing simula Setyembre 3 hanggang Setyembre 5 sa Cosmopolitan-SF Memorial Chapels ng Shrine of the Santuario De San Vicente de Paul sa Tandang Sora.

Read more...