Mahal, Benjamin Alves at Mura
HALOS lahat ng taga-showbiz ay nagulantang at natulala nang mabalitang namatay na kahapon, Aug. 31, ang komedyanang si Mahal sa edad na 46.
Ipinagluluksa ngayon ng mundo ng entertainment industry ang pagpanaw ni Mahal o Noeme Tesorero sa totoong buhay, dulot ng COVID-19 complications.
Base sa naging pahayag ng kapatid ni Mahal na si Irene Tesorero, gastro at COVID-19 ang ikinamatay ng Kapuso comedienne habang naka-confine sa isang ospital sa Batangas.
Sa biglaang pamamaalam ni Mahal, sunud-sunod ang pagbuhos ng magaganda at emosyonal na mensahe para sa komedyana at ang pagbabalik-tanaw nila sa masasayang moments with the actress.
Isa na nga rito ang huling TV appearance niya sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” kung saan nga napanood ang reunion nila ng dating katambal at kaibigan na si Mura.
Ayon sa ilang netizens, parang may premonisyon na raw si Mahal nang muli silang magkita ni Mura partikular na nang nagpapaalam na sila sa isa’t isa na huli na pala nilang pagkikita.
Mensahe ni Mahal sa tinulungang kaibigan, “Sabi ko, Mura huwag ka na mag-ganyan (umiyak). Parang naawa lang ako kasi hindi ko expect ‘yung wala kang trabaho. ‘Yung pagte-therapy mo, hangga’t nag-uugod-ugod, ipapa-therapy kita.”
Sagot naman ni Mura sa pagtulong sa kanya ni Mahal, “Kay Mahal, nagpapasalamat ako sa kanya dahil narating n’ya itong bahay ko, malayo. Tulad ko tinulungan din niya, marami pa siyang matutulungan.”
At habang pinanonood daw nila uli ang panayam ng dalawa sa “KMJS” ay hindi nila maiwasan ang kilabutan dahil naramdaman daw nila na parang may pahiwatig na si Mahal sa kanyang mensahe kay Mura.
“Kapag halimbawa, nawala ako sa mundo, mayroon akong konting naitulong sa ‘yo,” ang bahagi ng pahayag ni Mahal.
Samantala, bukod kina Ai Ai delas Alas, Kiray Celis at ilang kapwa komedyante, nagparamdam din ng pagmamahal kay Mahal ang iba pang kilalang celebrities.
Mensahe ng Kapuso actor at TV host na si Ken Chan, “Maraming salamat sa pagpapasaya sa amin Ate Mahal (black heart emoji).”
Nag-post din ang nakatrabaho ni Mahal sa seryeng “Owe My Love” na si Benjamin Alves ng litrato nila at nilagyan ng caption na, “I will miss your laugh and your uplifting aura. We love you forever, Mahal.”
Nagluluksa rin si Rosanna Roces sa pagpanaw ng kanyang kaibigan, “Pumanaw na po si Mahal. Aka noeme tesorero..isang napaka lungkot na Balita (crying emoji) salamat sa pagkakataong makasama at maka trabaho ka. Uwi na kay Lord Mahal.”
Nakiramay din sa mga naulila ni Mahal ang isa pang nakatrabaho niya sa “Owe My Love” na si John Vic de Guzman, “I am lost for words. (crying, praying hands emojis). Ate Mahal – kailanman hinding hindi kita makakalimutan.
“Maraming salamat sa pagmamahal mo sa akin at lahat ng taong iyong natulungan at napasaya. Rest In Peace. MAHAL ka namin,” aniya pa.
Samantala, dahil nga nagpositibo si Mahal sa COVID-19, kinailangang iki-cremate agad ang kanyang labi.