BGYO AT BINI
WALA pang isang taon mula nang ilunsad ang P-pop groups na BINI at BGYO ngunit marami na agad silang tagumpay na naabot kasama ang kanilang fans.
Kamakailan, nagtala ng isang milyong views ang music video ng debut single ng BINI na “Born to Win” na itinampok din sa MTV Asia noong nakaraang buwan, samantalang nag-number one naman sa Next Big Sound chart ng Billboard ang BGYO kasabay ng paglulunsad ng latest single nilang “The Baddest,” na umani na rin ng isang milyong views sa YouTube.
Magkasamang tinahak ng BINI at BGYO ang daan patungo sa mga pangarap nila – mula sa dalawang taong pagiging trainees hanggang sa maging P-pop idol groups. At ngayon, handa na silang gumawa ng marka sa industriya sa paparating na unang joint concert nila at kanya-kanyang debut albums ngayong taon.
Gagawa ng kasaysayan ang BINI at BGYO sa unang sibling concert nilang pinamagatang “One Dream: The BINI x BGYO Concert” na mapapanood sa buong mundo ngayong Nov. 6 at 7 sa KTX.PH, iWantTFC, at TFC IPTV.
Bukod sa ito ang kauna-unahang sibling concert sa kasaysayan ng P-pop, ito rin ang unang two-day concert sa Pilipinas na may magkaibang setlist sa magkaibang araw. Sulit na sulit ang mabibiling ticket para sa parehong show dahil siksik ito sa world-class performances mula sa dalawang grupo.
Sa Nov. 6, mapapanood ang performances ng kanya-kanyang grupo, ang collaboration nila sa sari-saring fan-favorite songs, at surprise guest artists.
Sa Nov. 7 naman, abangan ang pagsasanib-pwersa ng BINI at BGYO sa iba’t ibang exciting numbers, sub-unit performances, matitinding kantahan, at fan meet sa KTX.PH. Magiging available simula Aug. 31 ang tickets sa “One Dream: The BINI x BGYO Concert” via KTX.PH.
Ayon sa ABS-CBN executive na si Lauren Dyogi matitindi ang gagawing production numbers ng dalawang grupo sa concert, “Du’n natin masusubok ‘yung stamina nila kung makakaya nila.”
Bago ang joint concert sa Nobyembre, ilalabas na rin ng BINI at BGYO ang full-length debut albums nila na maglalaman ng mga orihinal na awitin. Nagpakitang-gilas din ang ilan sa mga miyembro na gumawa ng sarili nilang mga kanta para sa albums nila.
Pagkatapos ng “Born to Win,” maaasahan ng fans ang ikalawang single ng BINI ngayong Setyembre bago ang release ng ng buong debut album nila sa Oktubre.
Patuloy namang ipo-promote ng BGYO ang “The Baddest” bago ang paglulunsad ng album nila sa Oktubre. Ngayon pa lang, mainit na ang pagtangkilik ng madla sa “The Baddest” dahil ang music video nito ay nag-trend worldwide sa YouTube at nag-number din ang track sa iTunes Philippines.
Samantala, ibinandera rin ni Direk Lauren na may natanggap na imbitasyon ang BGYO at BINI para makapag-perform sa ibang bansa.
“Super excited. It’s a very big news. Mag-eempake na po kami mamayang gabi. Ha-hahaha!” ayon sa mga miyembro ng BINI.
“Masaya kasi. Pangarap namin makapag-perform sa ibang bansa as BGYO,” sabi naman ng isang miyembro ng BGYO.