Mahal, Jason Francisco, Ai Ai delas Alas at Kiray Celis
DUROG na durog ngayon ang puso nina Ai Ai delas Alas at Kiray Celis dahil sa biglaang pagpanaw ng kaibigan nilang komedyana na si Mahal.
Talagang na-shock at hindi makapaniwala si Ai Ai nang mabalitaang namatay na si Mahal o Noeme Tesorero sa tunay na buhay kahapon nang umaga dahil sa COVID-19 complications.
Naging malapit sa isa’t isa ang dalawa nang magkatrabaho sa Kapuso romantic-comedy series ng GMA 7 na “Owe My Love” na pinagbidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.
Sabi ng Comedy Queen, tulala at talagang hindi siya makapaniwala na wala na si Mahal. Nais daw niyang umiyak pero hindi pa raw mag-sink sa isip niya ang malungkot na pangyayari.
Si Kiray daw ang nagbalita sa kanya na sumakabilang-buhay na si Mahal na nakasama rin nila sa “Owe My Love”.
Nag-post si Ai Ai sa Instagram na maikling video kasama ang bulinggit na komedyana. Aniya sa caption, “Ma miss ka namin mahal (Noeme).
“Kanina hindi pa nag sink in saken na wala ka na pero nung pinanood ko to ayan naiyak nako … kanina tulala ako na parang fake news ang dating saken.
“Rest in peace mahal. nawalan ako ng isang barkada sa industriya . (Kami ang dabarkads ako, mahal, kiray, jason, johnvic and joaquin).
Kuwento pa ng Kapuso comedienne talagang tuwang-tuwa siya sa mga kalokahan ni Mahal noong nasa lock-in taping sila ng “Owe My Love” sa Bulacan.
At tulad ni Ai Ai, nagluluksa rin si Kiray Celis sa pagkawala ni Mahal. Na-shock din siya sa sinapit ng komedyana na naging biktima rin ng COVID-19.
“Sa liit na panahon na nakasama kita, ganun naman kalaki ang naibigay mong saya sa puso ko.
“Ayoko isipin.. ayoko tanggapin.. ayokong maniwala Ate Noeme mahal na mahal kita. Sana hindi totoo ito. Pls…” ang caption ni Kiray sa litrato nila ni Mahal.
Samantala, hanggang ngayon ay shocked pa rin ang pamilya ni Mahal lalo na ang nakababata niyang kapatid na si Irene Tesorero na siyang nagkumpirma na pumanaw na ang aktres.
“I feel numb. I’m shocked still. I don’t know what to think. Two family members in one month,” ani Irene na ang tinutukoy ay ang magkasunod na pagpanaw ng ama at kapatid nito lang Agosto.