Bianca Gonzalez, Toni Gonzaga at Robi Domingo
MAGSISIMULA na ang paghahanap sa mga bagong housemate na bubuo sa “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10” na muling patutunayan at ipakikita sa buong mundo ang likas na galing, katatagan, diskarte at kabutihan ng Filipino.
Pagkatapos i-anunsyo ni Big Brother ang nalalapit na pagbubukas ng kanyang bahay noong nakaraang linggo, opisyal nang bubuksan ang auditions para sa Adult Edition sa Sept. 1 sa pamamagitan ng Pinoy community platform na Kumu.
Bukod sa Adult Edition, magkakaroon din ng Celebrity at Teen Editions ang ika-10 regular season ng “PBB.”
“We wanted to give viewers something new. Matagal na rin kasi na wala tayong celebrity housemates na group. The last one was Lucky Season 7 pa.
“Ngayon sila ‘yung magsisimula ng season then followed by adults and teens then sa dulo may mangyayaring twist na dapat abangan,” sabi ng creative head ng “PBB” na si Marcus Vinuya sa ginanap na virtual mediacon kahapon.
Kasama rin sa presscon sina ABS-CBN entertainment production head at Star Magic head na si Lauren Dyogi at ang hosts na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez at Robi Domingo, na lubos rin ang pasasalamat sa pagbabalik ng programa.
“Siyempre very grateful and very excited. Alam mo ‘yung excitement mo, nandito pa sa leeg kasi hanggang hindi naglo-launch, hanggang walang presscon, hanggang walang announcement, parang hino-hold mo pa ‘yung full blast na kilig.
“Doing ‘PBB’ is like a part of our lives already, nina Bianca and Robi. This is our second home. And it’s always a big blessing when we are given an opportunity to do another season para sa ating mga Kapamilya,” ani Toni, na naging bahagi na ng “PBB” mula nang una itong inilunsad noong 2005.
Sabi naman ni Bianca, na nanggaling sa “PBB Celebrity Edition 1,” bukod sa pasasalamat nila na magkakasama-sama muli ang “PBB” family sa kabila ng pandemya, masaya rin siya para sa fans ng programa.
“Kita mo ‘yung saya ng tao, ‘yung fans na sobrang excited na sumaya, ma-inspire. Kasi in the middle of everything na pinagdaraanan natin grabe ‘yung joy, ‘yung inspiration, ‘yung hope na nabigay nung last season sa napakaraming manonood,” aniya.
Kwento naman ni Robi, Season 9 Big Night pa lang ay ihinihirit na nila na magkaroon ng Season 10, “Just like the theme, ‘yung pangarap pwedeng magkakatoo. Saktong-sakto a few months after the Big Night ito na we’re gonna have the auditions for the tenth season of PBB.”
Ibinahagi naman ni Direk Lauren ang saya niya tuwing nakikita muli sina Toni, Bianca, at Robi na magkakasama, pati na rin ang iba pang ex-housemates na nananatiling parte ng programa sa kani-kanilang paraan.
“Every time I see ex-housemates also getting their lives better, it gives us the motivation and the drive to continue with ‘PBB.’ Kasi ito talaga ‘yung patuloy na kahit paano nagbabago ng buhay.
“That experience alone, of auditioning and being a housemate, talagang may maidudulot itong mabuti sa inyo. On behalf of ABS-CBN management, we would like to thank Kumu for partnering again with us for this new season,” aniya.
Kanya-kanya ring kwento ng mga karanasan, natutunan, at tips para sa mga aspiring housemate ang iba pang ex-housemates sa ginanap na “PBB Kumunity Season 10” party noong Biyernes na mapapanood pa rin sa Kumu.
Mensahe sa kanila ni Big Brother, “Natutuwa akong malaman na hanggang ngayon ay pinapahalagahan ninyo ang mga alaala ninyo sa loob ng aking bahay at patuloy na isinasabuhay ang mga aral na natutunan ninyo bilang housemates. Naway patuloy kayong maging ehemplo sa mga susunod pang magiging housemates ng aking bahay.”
Para mag-audition sa “PBB Kumunity Season 10,” kailangan lang mag-download ng Kumu app, gumawa ng account, at mag-upload ng isang minutong Kumu clip kung saan ipapakilala ng aspiring housemate ang kanyang sarili, sasabihin kung bakit siya ang karapat-dapat na maging housemate, at gagamitin ang hashtag na “PBBKumuAdults.”
Hanggang sa Sept. 30 ang auditions para sa Adult Edition para sa mga may edad na 20 hanggang 40 years old habang mula Dec. 1 hanggang Dec. 31 naman ang auditions para sa Teen Edition para sa mga may edad na 15 hanggang 19 years old, na gagamit naman ng hashtag na “PBBKumuTeens.”
Abangan ang iba pang exciting announcement para sa “PBB Kumunity Season 10” sa official social media pages ng programa.