Isko sa laban kontra-COVID-19: Sobra po akong itinumba nito, maswerte lang at bakunado ako!

Isko Moreno

NANINIWALA si Manila Mayor Isko Moreno na baka raw may nangyari nang masama sa kanya kung hindi pa siya bakunado at tamaan ng COVID-19.

Nagbigay ng ilang detalye si Yorme sa pakikipaglaban niya sa killer virus sa pamamagitan ng kanyang Facebook live. Bumalik na kahapon sa pagtatrabaho sa Maynila ang alkalde matapos sumailalim sa quarantine.

Ilang araw din siyang “nakakulong” sa Sta. Ana Hospital kung saan siya nagpagamot at nagpagaling. Ayon kay Yorme, mild COVID-19 lamang ang dumapo sa kanya pero matindi rin ang epekto nito sa kanya.

“Tinira po ako ng sakit ng katawan. Sobra po, mga kababayan, sobra po ako na itinumba nito. Ako po ang nagsasabi sa inyo, itinumba po ako nito, literal.

“Nahirati po ako sa kama. Masakit po sa katawan, ininda ko po talaga. Akala ko bata ako, okey, e, hindi! Masuwerte ako, bakunado ako. Wala akong panlasa. Ngayon, konti pa lang yung pagbalik ng panlasa ko,” simulang kuwento ni Isko.

Aniya pa, “Grabe po, humahapo po kami, pero salamat sa Diyos, nakaligtas kami. Tanong, matigas ba yung katawan ko kaya ako nakaligtas o dahil nadagdagan ako ng proteksyon dahil may bakuna ako?

“Ako ho, to conclude and to share to you, the same thing with Vice Mayor Honey Lacuna, pareho kaming Sinovac,” dagdag pa niyang chika.

Ani Mayor Isko, ang Delta variant ng COVID-19 ang tumama sa bise-alkalde ng Maynila, “Si Vice Mayor Honey Lacuna, just so you know, Delta ang tumama sa kanya.

“Ang bakuna niya, Sinovac. Nakaligtas po siya. Hindi ko po ikinukubli sa inyo, si Vice Mayor, Delta. Tinamaan, nagka-pneumonia, nakaligtas dahil sa bakuna.

“Of course, sa [tulong ng] mga gamot at antibiotics. Ganoon din ako, dahil sa mga doktor at sa antibiotic.

“So, ako po ang nagsasabi sa inyo, ang mabisang bakuna ay ang bakunang nasa braso ninyo.

“Ito po, lumalabas na pandemya ng hindi bakunado. This is the pandemic of the unvaccinated. Beware!” muling paalala ni Yorme.

Pagpapatuloy pa ni Isko, “Hindi po garantiya na buhay ka, makakaligtas ka kung bakunado ka kapag na-impeksyon ka ng COVID-19. Pero ako na po ang nagsasabi sa inyo, malaki ang probabilidad na tayo ay mabuhay at makaligtas.

“Malaki ang probabilidad na tayo ay mabuhay kapag tayo ay bakunado. Malaki rin ang probabilidad na tayo ay mamatay kapag tayo ay naimpeksiyon ng COVID-19 na hindi tayo bakunado.

“Mano pa, kapag Delta ang nakuha ninyo, mas matapang, mas delikado, at alam natin na maraming namamatay. ‘Yan ang katotohanan. Kaya ang payo ko, get go vaccinated as soon as possible,” lahad pa ni Yorme.

Samantala, sinagot din ni Isko ang naging patutsada sa kanya noon ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno tungkol sa muling pagkalat sa social media ng mga litrato niyang naka-underwear lang.

”Yung mga bagay na nagawa ko sa showbiz ay mga bagay na parte ng buhay ko at hindi kinubli. 

“Imbis na busy sila sa COVID-19, natingnan nila ‘yung picture ko, kaysa ‘yung picture ng mga namamatay, picture ng nagkakasakit,” sabi ni Isko sa panayam sa kanya ng ilang reporter.

“I’m honored but I’m not happy,” hirit pa niya.

Nauna rito, sinabi na ni Yorme na wala naman siyang itinatago sa publiko, “Ang buhay ko is an open book. Maraming salamat kay Kuya Germs (German Moreno) binigyan niya ako ng chance na iahon ko ang aking sarili.”

Read more...