Derrick gustong maging katulad ni Hidilyn Diaz; super idol si Richard Gomez

Derrick Monasterio, Hidilyn Diaz at Richard Gomez

Derrick Monasterio, Hidilyn Diaz at Richard Gomez

MAS na-inspire pa nang bonggang-bongga ang Kapuso hunk na si Derrick Monasterio sa kanyang weightlifting journey dahil kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.

Kaya naman kinakarir na rin ngayon ng binatang aktor at singer ang pagpapakundisyon ng kanyang katawan para sa pagsabak niya sa mga weightlifting competition.

Sa isang panayam, sinabi ni Derrick na medyo matagal na rin ang kanyang passion para sa nasabing  sport at sana raw ay magkaroon siya ng chance na makapag-training kasama si Hidilyn.

“Siguro mga two years ko na siyang ginagawa and na-hook ako sa sport na ‘yun kasi may competition kasi ayaw ko nang magbuhat lang gusto kong nanalo. Nakahanap ako ng perfect sport for me.

“Nagda-diet lang ako araw-araw at may mga coach lang ako tapos sobang disciplined sa pagtulog. Ngayon, hindi na ako nagpupuyat. Siguro mga six months na akong maganda ‘yung tulog,” pahayag ng aktor.

Nilinaw naman ni Derrick na bukod sa kanyang kalusuga, talagang nagpapaganda siya ng katawan at nagpapalakas dahil pangarap niya talaga ang makasali sa Olmpic Games.

“Hindi naman talaga ako nagpapa-sexy, eh. I work out because I want to get stronger. I want to become an Olympic athlete. I also want to join CrossFit Games in the United States.

“With how I’m doing right now, medyo malayo na rin ’yong narating ko sa training. Ngayon, sobrang nagdi-disiplina ako. Last time kong uminom ng alcohol was one year ago.

“Grabe na ’yung disiplina ko sa sarili ko, like, natutulog ako nang maaga ngayon, especially na nagkaroon ng pandemic at nawalan ng mga shows. Natutunan kong baguhin ’yong habits ko po.

“Sana mag-translate siya. Masarap din kasi na nire-represent mo ’yong Philippines sa mga international games,” aniya pa.

Bukod kay Hidilyn, idol din niya ang actor-politician na si Richard Gomez na isa ring kilalang atleta (fencer at volleyball player).

“Gusto ko parang maging Richard Gomez, ganu’n. Parang actor, model, Olympian. Parang gusto ko lang makita ’yong limit ko, ’yong kaya ko, ganu’n.

“Kasi one thing about me is ’yung utak ko hindi talaga ito gumi-give up, e, kahit na gaano ako kapagod. Kahit na gaano kabigat bubuhatin ko talaga ’yan kahit na anong mangyari, kahit na ma-injure ako.

“Minsan, bigla na lang may magka-crack-something, somewhere kasi pinipilit kong buhatin kahit mabigat. So, feeling ko, ’yun ’yung advantage ko, e. May ganu’n akong mentality na hindi talaga ako susuko kahit na ano’ng mangyari. So, feeling ko mata-translate ko siya sports,” sey pa ng binata.

Inamin din ng Kapuso star na nagme-message daw siya kay Hidilyn para makahingi ng tips sa weightlifting, “Honestly, lagi ko siyang dini-DM (direct message).

“Gusto ko kasi ipa-sign ’yung mga plates ko, ’yung shoes ko gusto ko ipa-sign. Sinasabi ko sa kanya na, ‘Pareho tayo ng ginagawa. Sana minsan mag-training tayo nang sabay.’ Ganyan.

“Kasi honestly, mas malakas siya sa akin nang sobra, e. Kahit na lalaki ako, kahit na mas mabigat ako sa kanya, mas mabigat ’yung binubuhat niya sa akin. And gusto ko malaman kung ano ’yung technique para magawa ’yon,” sey pa ng aktor.

Pero hindi pa ragre-reply sa kanya si Hidilyn, “Feeling ko busy siya. Feeling ko maraming nagdi-DM sa kanya ngayon.”

Read more...