PINAY kinoronahang MS. SUPRANATIONAL 2013 sa EUROPE

WAGI ang 21-year-old Pinay na si Mutya Johanna Datul sa international beauty pageant na Miss Supranational 2013 na ginanap nu’ng Biyernes ng gabi sa Sports’ Palace of Minsk sa Minsk, Belarus.

Tinalo ni Mutya ang 82 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Si Mutya ang kauna-unahang Filipina na nakapag-uwi ng Miss Supranational crown na idinaos sa unang pagkakataon sa Republic of Belarus na matatagpuan sa Eastern Europe.

Natanggap din niya ang special award na Miss Personality at Top 8 sa Miss Internet at Top 10 naman sa Miss Talent.
Ang mga naging runners-up ni Mutya ay sina: Miss Mexico (Jacqueline Morales, 1st runner-up); Miss Turkey (Leyla Kose, 2nd runner-up); Miss Indonesia (Cok Instri Krisnanda Widani, 3rd runner-up), at Miss US Virgin Islands (Esonica Veira, 4th runner-up).

Si Mutya ang ipinadala ng Binibining Pilipinas Charities sa nasabing pageant matapos siyang tanghaling Bb. Pilipinas-Supranational 2013.

Ang Binibining Pilipinas 2013 ang pangalawang beauty contest na sinalihan ni Mutya, na naging finalist sa Mutya Ng Pilipinas noong 2012. Ito ang ikalawang beses na nagpadala ang Pilipinas ng kandidata sa Miss Supranational.

Una ay noong 2012, kung saan nakapasok si Elaine Kay Moll sa Top 11 ng Miss Internet Award.

( Photo credit to INS )

Read more...