Tambalang JaMill out na sa YouTube: Gusto na namin ng simpleng buhay…


KINUMPIRMA ng mag-dyowang sina Jayzam at Camille na wala na ang joint YouTube channel nito na JaMill.

“JaMill is now signing off. Pero Jayzam & camille is (infinity sign),” saad ni Camille sa kaniyang Twitter account.

Marami sa mga fans nito ang nag-post kaninang umaga na hindi na nila matagpuan ang YouTube channel ng mag-dyowa.

Inakala ng mga netizens na nag-away muli ang dalawa dahil sa Instagram post ni Camille ng quotation artcard na “Finding peace is better than revenge”.

Naging malaman naman ang tweet ni Jayzam na “Don’t cry because it’s over, smile because it happened (heart emoji)” na nag-trending sa twitter.

Mayroon mga netizens ang nagsasabing pakulo lang ito ng dalawa para mas makahakot ng subscribers.

Agad namang nilinaw ni Camille na hindi ito pakulo at nagdesisyon silang burahin ang account para mas maging maayos ang kanilang relasyon ng dyowang si Jayzam.

“Yes deleted na po ang channel. Di naman natin ma-please lahat ng tao na sabihing pa issue lang ito or what. Its about our relationship, mas pinili namin mas maging okay ang relationship namin. I hope na irespeto na lang. Thank you,” paliwanag ni Camille.

Nag-post naman ng video ang dalawa sa kanilang Facebook page para linawin ang tunay na nangyari.

“Naisip namin, mamuhay na lang kami ng normal ni Camille. Gusto na namin ng simpleng buhay gaya na lang nung dati, simple lang kami,” pagpapahayag naman ni Jayzam.

Ayon sa kaniya, masyado na raw silang nape-pressure dahil tila maraming tao ang nakasubaybay sa kanila.

“Mahal namin ang isa’t isa. Na kahit mawala ang channel namin, kami pa rin. Hindi dahil may YouTube kaya nandito kami,” dagdag pa niya.

Matatandaan na naging matunog ang pangalan ng dalawa matapos humantong sa “Raffy Tulfo in Action” dahil umano sa panloloko ni Jayzam kay Camille.

Isa ang JaMill sa mga sikat na Pinoy YouTubers na may 12 million subscribers.

Read more...