Ano kaya ang trabaho ni Vico ngayon kung hindi siya nanalong mayor ng Pasig?

Vico Sotto

KUNG hindi naging mayor ng Pasig City ang anak nina Bossing Vic Sotto at Coney Reyes na si Vico Sotto, ano kaya ang trabaho niya ngayon?

Iyan ang isa sa mga tanong na  sinagot ng batang alkalde kamakailan sa Facebook Live video ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay Vico, kung hindi siya tumakbo at nanalo noong 2019 elections baka raw bahagi pa rin siya ngayon ng academe at ipinagpatuloy ang propesyon niya bilang guro.

Aniya, nagtuturo na siya noon sa Arellano University bago nagdesisyong pasukin ang politika.

Nakatapos ang 32-year-old mayor ng Political Science mula sa Ateneo de Manila University, at may Master’s Degree rin siya sa Public Management sa nasabing unibersidad.

“Sandali lang naman yun sa Arellano University (pagtuturo). One sem lang yun kasi tumakbo na akong mayor,” kuwento ni Vico sa FB video ng DepEd.

Aniya pa, “Kung hindi ako tumakbong mayor, tinuluy-tuloy ko yun. Isa talaga yun sa mga gusto kong gawin.”

Inamin naman ng binatang anak nina Bossing at Coney na mas gusto niyang turuan ang mga undergraduate college students para hindi raw siya ma-stress.

“Hindi ako masyadong pasensiyoso. Baka uminit ulo ko,” natatawang chika ni Mayor Vico tungkol sa pagiging professor ng mga batang estudyante.

“Hindi ko rin kaya magturo ng math,” pag-amin pa niya habang game na game na nag-join sa ginanap na short tutorial kung paano mag-multiply ng fractions sa official social media page ng DepEd.

Read more...