NAGKITANG muli ang magka-tandem na sina Mahal at Mura matapos ang dalawang taon.
Sa part 2 vlog ng pagkikita ng dalawa, nagkaroon ng chance na magkuwentuhan ang dalawa kasama si Mygz kung saan siya ang tila interviewer kay Mura.
Ayon sa kanilang kuwentuhan, nais ni Mura na magkaroon ng babuyan sa kaniyang bukid.
“Bibili nga sana ako kaso wala pa akong mabibilhan. Wala pa akong pagkukulungan (sa mga biik) kaya gagawa muna ako ng kulungan,” saad ni Mura.
Relate naman si Mygz dahil ‘yun daw ang business ng kaniyang magulang kung saan nagsimula lang sila sa isang inahin hanggang sa dumami na ang mga baboy na inaalagaan.
Matapos ang kaniyang kwento, nangako ito kay Mura na magbibigay ng puhunan para makabili ng biik na siyang magiging negosyo ni Mura.
“Bibigyan kita ng puhunan, bibigyan kita ng pangbili ng biik. Kung gusto mo, bili na tayo ng biik bukas kung mayroon tayong mabibilhan tapos simulan na natin,” pangako ni Mygz.
“Tapos bigyan na rin kita ng pangbili ng feeds. Mag-start ka muna doon,” pagpaptuloy niya.
Deal naman agad ang sagot ni Mura sa offer ni Mygz.
Biro naman ng binata, iiwan na lang niya si Mahal at siya na lang daw ang gawing inahin ni Mura pagkatapos ay nagtawanan sila.
Promise ni Mygz, isang taon niyang ipoprovide ang pambili ng pakain sa mga biik hanggang sa ito’y manganak.
Kita naman ang labis na tuwa ni Mura sa mga regalong handog ng binata.
“Palawakin mo na lang ‘yung baboy. Padamihin mo na lang. Paanakin mo na lang. Hanggang sa makagawa ka na rin ng sariling negosyo.
“Kapag maganda ‘yung pamamalakad mo, puwede kang magkaroon ng contact sa palengke, ikaw magsupply,” dagdag pa nito.
“Tsaka kapag may fiesta o may birthday, sa’yo oorder,” singit naman ni Mahal.
Matapos ang kanilang kuwentuhan ay kumain na sila at nagpahinga. Doon na nga naisipan ni Mygz at Mahal na magpalipas ng gabi.
Masaya at nagpapasalamat naman si Mura sa muling pagbisita ni Mahal at tulong ni Mygz sa kaniya.