Resbak ni Lolit Solis sa mga haters: Pag nagtanggol ka ng tao, gumamit ka ng utak at puso

LOLIT SOLIS

USAP-USAPAN ang diumano’y pamamahiya ni Manay Lolit Solis sa dating alagang si Mark Herras matapos mangutang nito ng pera sa dating talent manager.

Marami nga ang nakapansin at nag-call out sa ginawa ng talent manager at isa na rito si RR Enriquez.

“I refuse to get mad Salve. Pero hindi ko parin palalagpasin ang kakitiran ng utak ng ilang taong nagtatanggol kay Mark Herras,” umpisa ni Manay Lolit.

“OK, number 1) Sa lahat ng alaga ko parang pamilya ang relasyon namin, nasasabi ang problema nila at para nila akong nanay.

“Number 2) Hindi lang si Mark Herras ang taong nanghiram sa akin ng pera, pero never ako nagsalita.

Number 3) Kung ginusto ko siraan si Mark Herras sana nilagay ko sa IG, isinulat, at sinabi ko na sa lahat, pero nang araw na iyon na nanghiram si Mark ng ganuon kaliit na halaga, talagang nagalit ako dahil Mark Herras ka, wala kang ganyan kaliit na pera,” pagpaptuloy nito.

Galit, iritasyon at awa raw ang naramdaman niya kaya hindi niya napigilang banggitin ito sa kanilang online show kasama sina Cristy Fermin at Mr. Fu.

Amin nito, naguilty naman siya dahil parang hiniya niya ang dating alaga.

“Now, duon sa nagtatanggol sa kanya, puwede ba na huwag kayong over acting na gumagamit pa nang masamang mga salita,” saad ng talent manager.

Sana raw ay mas natulungan ng mga nagtatanggol kay Mark ang aktor sa pagpapayo rito na maging professional at pagbutihin ang trabaho para makasabay muli sa mga stars na naungasan na ang aktor.

“Gusto ko na ngang magtaray at magsabi , mahal nyo pala siya, sana kayo nagbigay ng pera na kailangan niya.

“Alam nyo ba na sa halip na maging tulong ang ginagawa nyo, lalo parin siyang nadi-degrade dahil sa reaction nyo, alam na ng lahat na wala siya ng ganuon kaliit na halaga,” dagdag pa niya.

Hindi naman daw malaking halaga ang hinihiram sa kanya ni Mark pero ang punto niya lang ay bakit walang ganoong pera ang alaga.

Saad pa niya, bakit ang kasambahay niya ay may naipong P120,000 samantalang siya na artista ay walang pera?

“Hindi malaking bagay sa akin ang hiniram ni Mark, ang punto ko lang, sa status niya, kalokah na ganuon lang ‘kaliit’ wala siya ?

“Iyon ang ikinagalit ko, at sinabi ko sa kanya. Na kung nuon ipinakita niya na seryoso siya sa trabaho, at kung nuon binigyan halaga niya ang kinikita niyang pera, hindi siya aabot sa ganyan kalagayan,” paglalahad niya.

“Pag nagtanggol ka ng tao, gumamit ka ng utak at puso. Kung wala kang comprehension, at mababa IQ mo, huwag ka na lang magsalita. Sobrang baba ng IQ ng isang tao na dinadaan sa masamang salita ang galit niya. Umpisa pa lang, loser na,” bwelta ni Manay sa mga nagagalit sa kanya.

“Kaya siguro nagkaganyan si Mark Herras dahil sa halip na magandang advice ang naibigay nyo, iyon babaw ng utak at galit sa puso nyo ang naibigay nyo sa kanya,” dagdag pa niya.

Ayon kay Manay, isa si Mark Herras sa mga mahal niyang alaga sa showbiz. Puri pa nito, mabait ang aktor, walang inggit sa katawan, at laging very optimistic ang tingin sa buhay. Kulang lang daw siya sa competitive spirit kaya pa easy easy lang.

Masaya rin daw siya na may nagtatanggol pa rin dito kahit hindi na ito aktibo sa industriya ngunit sana ay sa magandang paraan.

“Huwag nyo ako awayin, o gamitan ng masamang salita, hindi ako maapektuhan. 74 years old na ako, at in the end, hindi ako ang nanghiram ng ganuon ‘kaliit’ na pera. Hindi ako ang nalaos, hindi ako ang naghanap ng trabaho.

“Kaya pag may oras, gamitin naman ang utak, hindi iyon sawsaw ng sawsaw sa issue. Sana sa halip na awayin nyo ako, makakita kayo ng paraan makatulong kay Mark Herras. Sa ginagawa nyo, nilulubog nyo pa siyang lalo. Please lang, iyan covid sa utak mahirap gamutin. Iwasan nyo. Case closed ! Pathetic,” dulo ng statement na inilabas nito sa Instagram.

Read more...