Arjo, 9 iba pa sa shooting nagpositibo sa COVID; lumabag nga ba sa health protocols ng Baguio?

Arjo Atayde

TOTOO nga kayang lumabag sa ipinatutupad na health and safety protocols ang grupo nina Arjo Atayde habang nagsu-shooting sa Baguio City?

Mismong si Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong ang nagsabi na nagpositibo umano sa COVID-19 si Arjo at ang siyam pa nitong kasamahan sa shooting.

Aniya, may 100 katao ang involved sa production at may dalawang buwan nang nasa Baguio ang mga ito. Ngunit balita ngang hindi nasunod ang napagkasunduang safety protocols.

“Nag-positive yung isang grupo na nagsu-shooting dito, yung grupo nila Mr. Atayde,” pahayag ng alkalde sa panayam ng Regional News Group-RNG Luzon.

“They committed to us na magkakaroon sila ng bubble, pero di nangyari. Nagkataon pala na may mga tao sila na umuuwi sa lugar, at pagbalik, hindi nagtri-triage,” aniya pa na ang tinutukoy ay ang proseso ng assessment sa health status ng isang indibidwal.

“Tapos yung monthly testing na commitment nila, hindi nagawa. So, eto nangyari ngayon. There are 10 people, sa grupo nila ang nag-positive,” pahayag ni Magalong.

Nakausap naman daw niya si Arjo sa pamamagitan ng text message, “Positive siya. Kaya lang bigla siya umalis kahapon without our knowledge, claiming na siya lang daw ang asymptomatic.

“At yung mga kasama niya, asymptomatic, iniwanan na lang niya,” anang opisyal. Pinayuhan na raw niya ang aktor na huwag umalis ng Baguio.

“May potential na puwede siya maka-infect ng iba dahil sa ginawa niya. I’m in touch with him. Binibigyan ko lang siya ng instructions na, ‘Make sure na lahat ng tao mo walang lalabas, walang aalis.’ Only to find out na iniwanan na pala niya at nakaalis na siya,” paliwanag pa ng mayor.

Aniya pa, pinatigil muna ang shooting ng pelikula dahil sa insidente, “Maganda naman ang intensiyon na magsu-shoot sila dito dahil they would like to promote itong city.

“Pero meron namang mga commitments iyan. Nag-usap kami. There should be commitments. Kailangan nilang i-deliver yung kanilang commitment. Strictly, they have to comply sa mga pinag-usapan,” lahad pa ni Magalong.

Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ni Arjo at ng produksyon ng nasabing pelikula. Nangako naman ang kampo ng aktor na maglalabas ng official statement hinggil sa issue.

Read more...