Utos ni Duterte na huwag sundin ang COA labag sa Constitution

COA

Direkta at lantarang labag sa Constitution ang ginawa ni Pangulong Duterte ng kanyang punahin at tirahin sa kanyang weekly-late-night public address noong Lunes ang Commission on Audit (COA) at utusan nito ang kanyang mga Cabinet secretaries, lalo na si DOH Secretary Francisco Duque, na “Wag mong sundin ‘yang COA”

Tulad ng dati, imbes na mag-focus kung papaano mareresolba ang problemang pandemya at ang masamang dulot nito sa ating ekonomiya, ginamit na naman ni Duterte ang kanyang late-night public address upang tirahin at tuligsain ang sinumang kumontra dito o sa kanyang mga programa.

Ang napag-initan at biktima ng kanyang galit ay ang COA dahil sa mga audit reports nito patungkol sa iba’t ibang departamento ng kanyang pamahalaan, partikular ang sinasabing P67 billion “deficiencies management.”

Hindi direkta kay Duterte ang mga nakita ng COA na pagpapabaya sa paggamit ng public fund at paglabag sa procurement laws ngunit ito naman ay titignan ng taong-bayan bilang pagkunsinti ng pangulo sa mga tauhan nito.

Bilang abogado, dapat at tiyak na alam ni Duterte na ang COA ay isang independent body, na kung saan ay wala siyang kapangyarihang utusan at pakialaman. Bilang pangulo ng bansa, dapat at tiyak na alam ni Duterte na kailangan niyang igalang ang mga hakbang na ginagawa ng COA upang mapangalagaan ang pera o pondo ng bayan at dahil ito ang mandato ng COA.

Ang publikong pagbatikos ni Duterte sa COA at ang pag-utos na huwag sundin ito ay isang klarong kalapastanganan sa ating Constitution na kanyang sinumpaang pangangalagaan at ipagtatanggol.

Hindi ito ang una sa pambabalewala ni Duterte sa constitutional independent ng COA. Noong January 2019, sinabi nito sa harap ng mga ilang local officials ng Metro Manila “Ah putang-inang COA yan, letse. Yung COA, every time, may mali talaga. Ano ba itong COA na ito? Mag kidnap tayo ng taga COA, lagay natin dito, torture natin dito. Tang-ina”.

Nauna dito, noong September 2018 minaliit ni Duterte sa isang meeting ang isang COA circular na inirereklamo ni Imee Marcos, na noon ay siyang governor ng Ilocos Norte. “Maniwala ka dyan (sa) COA na ‘yan. You know, they just do it by circular and they expect everybody to obey. Circular, ano’ng pakialam ko? Inyo ‘yan”. Ito ang tugon ni Duterte sa nasabing COA Circular. Sinabi pa ni Duterte sa pagpupulong na “Sino’ng taga-COA dito? Ihulog mo na sa hagdan para ‘di mag report.”

Ang unang dalawang nasabing pananakot ni Duterte sa taga-COA ay “biro” lamang ng pangulo, ito ay ayon sa Malacanang. Kung ito ay “biro”, ito ay masama at nakakatakot na biro sa panahon ngayon ng pamahalaang Duterte.

Bagamat ang “birong” pananakot ni Duterte ay maaaring katumbas ng kinakatakutang mapasali sa kaduda-dudang “narco list” ng Malacanang, hindi naman ito naging hadlang at dahilan upang hindi gampanan ng ating mga COA state auditor ang kanilang tungkulin. Ito ay tiyakin na ang pera ng taong-bayan ay hindi malustay sa kapabayaan ng mga namumuno sa pamahalaan. At lalong-lalo na, tiyakin na ang pondo ng bayan ay hindi mapunta sa bulsa ng ilang mga namumuno at kawani ng pamahalaan.

Ang COA ay isang constitutional commission at ilan sa mga kapangyarihan at tungkulin nito ay magsuri, mag-audit (and settle all accounts) ng mga pera o pondo ng bayan na tinanggap at ginamit ng pamahalaan o sangay at ahensiya nito, tulad ng DOH, DSWD, DOLE, Department of Transportation (DOTr) at Department of Information and Communications Technology at iba pa.

Sa madaling salita, ang principal na obligasyon ng COA ay tignan at suriin kung ang pondo ng bayan ay nagamit ayon sa tinakda ng batas. Kasama na rin dito ay suriin kung ang pera ng taong-bayan ay nasayang lang dahil sa kapabayaan ng namumuno sa pamahalaan at mga sangay at ahensiya nito.

Ginawa lamang ng COA ang kanilang constitutional obligations nang inilabas nito ang kanilang reports (audit observation memorandum/partial audit/ audit report) at sitahin ang DOH sa “deficiencies in management” tungkol sa P67 billion pandemic fund at ang hindi nito paggamit ng P59.125 billion ng budget for 2020.

Ang COA reports sa DOH ay klaro. Poor management and leadership sa parte ng mga namumuno sa DOH dahil hindi nito nagamit ang mga pondong inilaan ng batas para makatulong sa mamamayan sa panahon ng pandemya. May inilaan na pera na maaaring makatulong sa mga naghihirap at biktima ng pandemya ngunit sa kapabayaan ng mga namumuno dito, ito ay hindi nagamit.

Ganito rin ang nangyari sa DSWD, DOTr at ilan pang sangay ng pamahalaan. Nasita ng COA ang DSWD dahil sa hindi nito paggamit ng higit sa P780 million at ilan paglabag sa procurement laws. Gayon din ang DOTr, hindi rin nagamit lahat ang pondong inilaan at ang P2.1 billion undelivered license plate.

Itinakda ng Constitution na maging independent (malaya) ang COA upang matiyak na magagampanan nito ang kanyang constitutional duties, ang maging -guardian of public funds. Ang COA ay parte at sangkop ng check and balance na ipinaiiral sa isang demokrasyang bansa tulad ng Pilipinas.

Hayaan na lang sana ni Duterte na gampanan ng COA ang constitutional duties nito.

Read more...