Yorme tinamaan na rin ng COVID-19: Kapit lang, tuloy ang buhay
Isko Moreno
TINAMAAN na rin ng COVID-19 si Manila Mayor Isko Moreno.
Kinumpirma ito mismo ng dating aktor sa pamamagitan ng isang official statement matapos makuha ang resulta ng kanyang swab test ngayong araw.
“Nakararamdam ako ng kaunting ubo, kaunting sipon. Masakit ang aking katawan ngayon,” pahayag ng alkalde ng Maynila.
Base sa opisyal na pahayag ng Public Information Office ng Manila, dinala na si Isko sa Sta. Ana Hospital para sa kaukulang gamutan.
Mensahe pa ni Yorme sa mga residente ng Maynila sa gitna ng pakikipaglaban niya sa killer virus, “Kapit lang. Tuloy ang buhay. Tuloy pa rin ang gobyerno sa Maynila. Umasa tayo, magtiwala tayo sa Diyos, makararaos din tayo.”
“The Mayor is still in charge. Tuloy po ang trabaho sa Pamahalaang Lungsod,” ayon naman kay Manila Public Information Office chief na si Julius Leonen.
Kung matatandaan, hindi na nakadalo si Yorme sa pamimigay ng ayuda sa Binondo kamakailan para sa mga taga-Maynila na apektado na naman ng ikatlong enhanced community quarantine sa National Capital Region at mga kalapit probinsya.
Balitang naka-isolate na rin ngayon ang mga naging close contact ni Isko.
Nitong nagdaang linggo, nagpositibo rin sa COVID-19 si Manila Vice Mayor Honey Lacuna. Pareho nang bakunado ang dalawang opisyal ngunit nahawa pa rin ng nakamamatay na virus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.