“Ayaw niya ng collab, kasi malakas naman daw siya kahit walang ka-collab,” ito ang tsika sa amin ng kilalang personalidad na may sariling YouTube channel tungkol sa kilalang aktres.
No doubt malakas ang YT channel ng kilalang aktres at wala nga siyang ka-collab sa lahat ng content niya. Kahit na anong i-post niya ay kinakagat ito ng tao pero hindi naman lahat ay mataas ang views.
Gusto kasi ng kilalang personalidad na makipag collab sa kilalang aktres at pinasabi niya ito sa kanyang team, pero binalikan siya ng, “hindi kami nakiki-collab, eh. .”
Grabe, samantalang ‘yung ibang mga artista na may matataas din ang views at subscribers ay pumapayag na mag-guest o magpa-guest sa kani-kanilang mga YT channel na ibig sabihin ay ‘pakikisama’ lalo’t nasa iisang industriya naman ang ginagalawan nila.
Pero itong kilalang aktres ay dedma at hindi niya kailangan ang kapwa artista para tumaas ang views niya. E, di sana tulungan na lang niya ang mga gustong maka-collab siya.
E, sana pag bumalik na sa normal ang showbiz industry at may offer sa sikat na aktres na ayaw maki-collab sa iba, e, sana suportahan din siya ng mga tinanggihan niya.
Ang mga tinanggihan ng kilalang aktres ay may magandang record sa showbiz industry.
* * *
Ang tarush ni Davao City Mayor Sara Duterte dahil may album siya at mga kilalang singers na sinasabing “supporters” o “volunteers” ang kasama rito.
Base sa na-post na album ni Inday Sara, featuring the viral songs of the volunteers and supporters of Mayor Inday Sara Duterte.
Ang cover ng album ay mukha ng mayora, Agila at bandila ng Pilipinas.
Ang mga mang-aawit na sinasabing supporters ay sina Andrew E, Ronnie Liang, Princess Velasco, Njel de Mesa, Myrus Apacible, JayR Siaboc, Chad Borja, Ato Arman, Will Devaughn, Death Threat Jopper Ril, Merjohn Lagaya, ang aktor na si Dennis Padilla at iba pa.
Kung sakaling itutuloy nga ni Inday Sara ang pagkandidato niya sa pagka-pangulo ng Pilipinas ay ang mga nabanggit ang siguradong aakyat sa entablado para magbigay kasiyahan sa mga taong dadalo ng personal o sa online ng meeting de avance nito.
Anyway, binabatikos naman ng netizens ang mga nabanggit na manga-awit at ni-repost nila ang nasabing album.
Isa na ang Twitter user na si @Dusa2Me, “@Nutella48981057 may iboboycott na ulit tyong mga singers.”
Sagot naman ni @keithdumpit, “Wag na nating i-boycott. Wala namang relevant dyan sa kanila. Emz.”