Kylie may ginamit na ‘therapy’ para maka-move on agad kay Aljur; Kyle Velino sinuwerte sa ‘Gameboys’

Kyle Velino, Kylie Padilla at Andrea Torres

ISA sa mga nakatulong at nagsilbing therapy kay Kylie Padilla matapos silang maghiwalay ni Aljur Abrenica ay ang pagbalik sa pag-arte sa harap ng mga camera.

Ayon sa Kapuso actress, napakalaki ng naging bahagi ng upcoming online series niyang “BetCin” sa proseso ng pagmu-move on niya sa nasirang relasyon nila ng asawang hunk actor.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsalita si Kylie tungkol sa estado ng kanyang personal na buhay at sa pagbabalik niya sa showbiz sa pamamagitan ng interview sa kanya ng GMA 7.

Ani Kylie, tulad ng mga character nila ni Andrea Torres sa girls’ love (GL) series na “BetCin”, galing din sila pareho sa napakasakit (at kontrobersyal) breakup. Kaya ang tanong kay Kylie, ano ang ibinigay nilang advice para sa isa’t isa? 

“Ako on set, di ko alam kung anong tawag doon, but most of the time, gusto ko in character ako. Ewan ko, baka I’m just trying to escape my real life right now. Charot!” natatawang sagot ni Kylie.

Sabi naman ni Andrea, feeling niya hindi na kailangan ni Kylie ng payo dahil alam na raw nito ang gagawin, lalo na pagdating sa kanyang mga anak.

“Parang hindi na niya kailangan ng advice, parang na-compartmentalize na niya,” sey ni Andrea na gumaganap na lover ni Kylie sa bago nilang online series.

Kamakailan, lumipat na sa bago niyang bahay ang aktres kasama ang mga anak nila ni Aljur. Nasa pangangalaga niya ang mga bata at mukhang okay naman ang co-parenting agreement nila ng asawa.

“I’m really good actually, sobrang saya ko kasi talagang ‘yung bagong bahay inayos ko talaga para feels like a home para sa mga bata. Maganda lang ‘yung vibe sa loob ng bahay,” pahayag pa ng anak ni Robin Padilla.

* * *

Isang malaking blessing para kay Kyle Velino ang magkaroon ng kabi-kabilang proyekto sa kabila ng pandemya.

Matapos ang kanyang proyektong “The Killer Bride” sa ABS-CBN at “Paano ang Pangako” sa TV5, nagpapasalamat ang aktor na ipagkatiwala sa kanya ang role sa series at pelikula na “Gameboys” na nakakuha ng most number of tickets sold sa KTX.ph nang ipalabas ito sa unang pa lang.

Ginampanan ni Kyle ang karakter ni Terrence Carreon, ang ex-boyfriend ng main lead na si Gavreel Alarcon (role ni Kokoy de Santos). Si Terrence ang third wheel at ka-love triangle sa Gavreel at Cairo (a.k.a. Elijah Canlas) team-up.

Ayon kay Kyle, mahirap ang virtual shoot na talagang sumubok ng kanyang kakayanan bilang isang aktor. “Ang hirap bumuo ng chemistry kapag hindi mo nakikita yung ka-eksena mo pero naging maayos naman ang transition noong ginawa namin ang movie,” aniya.

Nagbunga ang pagod at hirap ng binata at hindi akalain ni Kyle na magiging maganda ang resulta ng kanyang pinagpaguran at naging mainit ang pagtanggap sa kanya ng mga supporters ng nasabing BL series.

“Sobrang thankful ako dahil naging maganda outcome ng Gameboys at minahal naman nila ang character ko as Terrence. Salamat sa lahat ng sumuporta,” ani Kyle.

Slowly but surely, natutuwa siya sa takbo ng kanyang karera at mas gusto niya pang makagawa na maraming proyekto, sa pelikula at telebisyon, para mas lalo pa niyang maipakita ang kanya versatility bilang aktor. 

Read more...