Walang mga community pantry habang nasa ECQ (enhanced community quarantine) ang buong Metro Manila mula August 6-20. Maaaring ma-extend pa ang lockdown ng ilang linggo katulad ng mga nakaraang ECQ na pinatupad sa kamaynilaan. 1K (P1,000) lang kada qualified na individual ang kayang ibigay ng ating gobyerno bilang ayuda sa ECQ. Ito ang masakit na katotohanang hinaharap ng mga mahihirap na taga-Metro Manila sa tinakdang quarantine.
Aminin natin na walang mararating ang ayudang 1K na ibibigay para sa mga apektadong residente ng Metro Manila. Kulang na kulang at hindi sapat ang halagang ito para tumagal at makakain ng dalawang linggo o higit pa, lalo na sa mga taong isang kahig isang tuka at yung mga nawalan ng hanap-buhay dala ng pandemyang umiiral ngayon. Karamihan sa kanila ay walang ipon o natabing pera para paghandaan ang pangatlong ECQ sa kamaynilaan.
Tunay ngang mabisa ang lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 pero dapat may programa ang ating gobyerno kung papaano ma-solusyunan ang kaakibat na kagutuman at kahirapan na dala nito. Ang 1K na ayuda ay hindi masasabing sagot dito. Wala dapat magutom sa panahon ng ECQ. Ito sana ang pinagtuunan ng ating mga namumuno, ang matiyak na may kakainin ang mga apektadong mahihirap habang nasa ECQ ang kamaynilaan.
Dahil na rin sa ipapairal na dalawang linggo o baka mas mahaba pang lockdown, hindi naman makakapunta at wala rin naman talagang mapupuntahang mga community pantry ang mga naghihirap na taga Metro Manila upang makakuha ng maski anong pantawid gutom sa araw-araw habang nasa ECQ. Sa mga taong pinoproblema ang makakain ng pamilya sa panahon ngayon ng pandemya, ang mga community pantry ay hulog ng langit. Nakakalungkot, ngunit walang community pantry habang nasa ECQ ang buong kamaynilaan.
Matatandaan na nagkaroon ng kauna-unahang community pantry sa Maginhawa Street noong April 14 matapos ang ECQ 2 at umabot ang bilang nito sa higit na 6,700 (May 6) na matatagpuan sa Metro Manila at iba’t-ibang parte ng bansa. Ang layunin nito ay matulungan ang mga naghihirap sa panahon ng pandemya. Na may makain ang mga tao sa panahon ng kagipitan.
Ginawa ng mga community pantry ang bagay na hindi ginawa, nagawa o naisip gawin ng pamahalaang Duterte para maibsan ang paghihirap ng mga tao sa panahon ng crisis. Nagbigay ng pagkain sa mga naghihirap at nagugutom maski pansamantala lamang. Nagbigay ng pag-asa at kasiguraduhan sa marami na may kakainin sila at ng kanilang pamilya sa araw-araw sa panahon ngayon ng pandemya.
Ngunit naging seloso ang gobyerno. Hindi ito naging maganda sa tingin ng ating mga namumuno. Na red-tagged pa nga ang community pantry. Pinaratangang komunista ang organizer nito. Pero hindi natinag ang mga community pantry at nagpatuloy at dumami pa ito.
Nasabi nga natin noon na ayaw ng mga namumuno sa gobyerno ang mga community pantry dahil salamin ito ng kanilang pagkukulang at maling pamamahala. Ipinapakita ng community pantry ang kapabayaan ng mga namumuno na tila walang ginagawa para maibsan ang paghihirap ng tao sa panahon ng pandemya.
Nandyan pa rin ang mga community pantry na dapat ay matatakbuhan ng ilan natin kababayan sa kamaynilaan sa ECQ 3 ngunit hindi mangyayari ito dahil nga sa tinakdang quarantine o lockdown. Baka nga imbes na makatulong maging isang “super spreader” ng COVID-19 (Delta variant) pa ito.
Nakikiisa tayo kay Ana Patricia “Patreng” Non, ang organizer ng kauna-unahang community pantry (Maginhawa Street), na bagamat handang-handa pa rin tumulong ay nanawagan sa gobyerno na panahon na para kumilos at gawin ang dapat gawin upang matulungan ang mga tao sa oras ng ECQ. Ganito rin ang kanyang panawagan sa mga malalaking private corporations.
Panahon na para “mag step up” ang gobyerno. “Kayo naman” ang kumilos at tiyakin na walang magugutom sa panahon ng ECQ. Nasa gobyerno ang lahat ng resources tulad ng pera, manpower, communication, transportation at iba pa upang magawa at matiyak na walang magugutom na tao habang ipinaiiral ang ECQ-3 sa kamaynilaan. Tamang pagpaplano, programa at pagpapatupad lang ang kailangan at siyempre, sinsiredad ng mga namumuno na tumulong at hindi pang photo op lang o pakitang tao para sa election. Hindi magagawa ito ng mga community pantry habang naka-ECQ ang kamaynilaan. Kayo naman ang mag-community pantry.
Sa pagtapos ng ECQ 3, inaasahan natin na muling magtutuloy ang bayanihan at tulungan ng sambayanan sa pamamagitan ng mga community pantry. Ang mga ito (community pantry) ay mananatiling simbolo ng kapabayaan, pagkabigo, pagkukulang at maling pamamahala ng mga namumuno sa gobyerno sa paghawak at pagresolba ng crisis dulot ng pandemya.