Kisses Delavin wagi sa 1st virtual challenge ng 2021 Miss Universe PH

WAGI agad ang youngstar at dating “Pinoy Big Brother” housemate na si Kisses Delavin sa unang virtual challenge para sa selection process ng 2021 Miss Universe pageant.

Nanguna ang dalaga sa “Headshot Challenge” ng Miss Universe Philippines Organization (MUPO) para sa Top 75 candidates na napili nila last week.

Si Kisses ang nakakuha ng highest votes sa MUPH app para sa nasabing online challenge kaya naman siguradong nagpipiyesta ngayon ang supporters ng aktres.

Nasa second spot naman ang TikTok content creator na si Rousanne Marie Bernos (Ayn Bernos) habang pumangatlo sa online votes ang Asia’s Next Top Model Cycle 5 winner na si Maureen Wroblewitz.

Pasok din sa Top 15 ng “Headshot Challenge” ang pageant veterans na sina Miss Supranational 2018 first runner-up Katrina Dimaranan at Miss Globe 2019 second runner-up Leren Mae Bautista.

Pasok din sa Top 15 ng Headshot Challenge si Steffi Rose Aberasturi, ang anak ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos na si Maria Corazon Abalos, Gianne Kryssee Tecson Asuncion, Noelyn Rose Campos, Kamille Alyssa Quiñola, Cheri Angel Flejoles, Angela Nikki de Grano, Jedidah Korinihona, Mirjan Hipolito at Isabelle delos Santos.

Magpapatalbugan sa mga susunod pang virtual challenge ang mga kandidata hanggang sa mapili ang Top 30 candidates na siyang rarampa sa coronation night ng pageant sa Sept. 25, 2021.

Kamakailan, sa kanyang Instagram ibinandera ng dalaga ang isang video kung saan ibinahagi niya ang kanyang “pasarela walk”. Aniya sa caption, “Hello Universe! Life updates: I’ll get to enjoy the small joys in life like heels and pretty dresses again at the Miss Universe Philippines!”

“Salamat po Kissables and pageant fans and Filipinos sa lahat ng pagmamahal at pagsuporta! Samahan niyo po ako sa journey ko sa #MissUniversePhilippines!” mensahe pa niya.

Ang tanong si Kisses na nga kaya ang papalit sa trono ni Rabiya Mateo at ang susunod na lalaban sa Miss Universe 2021? Abangan!

Read more...