Hidilyn umaming nagka-mental breakdown: Umiiyak ako…namroblema ako for 15 months

Hidilyn Diaz

DIRETSAHANG inamin ng first Filipino gold medalist na si Hidilyn Diaz na grabe rin ang naging laban niya sa kanyang mental health habang naghahanda para sa 2020 Tokyo Olympic Games.

Naging emosyonal ang tinaguriang “weightlifting fairy” ng Pilipinas mula sa Zamboanga habang binabalikan ang mga hirap at sakripisyong pinagdaanan niya bago nakamit ang tagumpay.

Sa panayam ng ANC kay Hidilyn, ibinahagi niya ang nangyaring  “mental breakdown” habang sumasailalim sa training, “Sa totoo lang, ‘yung Olympics na-postpone, siyempre, umiiyak talaga ako.

“Tapos, siyempre ‘yung coaches ko naaawa, pero good thing nandiyan sila pinakinggan nila ako at sinabi nila sa akin na, we’ll stay, we will support you, we will be here. Malaking bagay ‘yun sa akin,” paliwanag ng Pinay champ.

Patuloy pa niyang pag-alala, “Umiiyak ako kasi nga ‘yun ‘yung down time moment ko. Kasi ilang beses akong nag-prepare din. Good thing hindi nila ako iniwan. Malaking bagay ‘yun para sa akin kasi, kung wala sila, baka hindi ko ma-survive ‘yung doon.”

Todo ang pasasalamat ni Hidilyn sa “Team HD” dahil talagang hindi siya iniwan nito sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan nila kabilang na ang team psychologist na si Dr. Karen Katrina Trinidad.

“Noong time na ‘yun, siyempre parang namroblema ako for 15 months. Preparation ulit? Akala ko matatapos na, ‘Kaya ko pa ba?’ May mga ganoon na katanungan.

“Pero good thing Team HD may sports psychologist, si Doc Karen. Ang sabi niya, ‘You have to get it, kailangan i-handle mo ‘to day-by-day, kasi nga hindi mo ma-handle ‘yan by planning for the 15 months’. So ginawa ko day-by-day,” aniya pa.

“Nagiging grateful ako day-by-day, naging productive ako day-by-day. Naghahanap ako ng paraan nagluluto ganoon, nagmi-meeting, and part ako ng Project Steady,” dugtong ni Hidilyn.

Gumawa ng kasaysayan ang Pinay weightlifter nang maiuwi ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas nang magwagi siya sa women’s 55-kg weightlifting event.

Read more...