Sanya naipatayo ang dream house sa edad na 24; nagtipid nang bonggang-bongga | Bandera

Sanya naipatayo ang dream house sa edad na 24; nagtipid nang bonggang-bongga

Ervin Santiago |August 01,2021
facebook
share this

Sanya naipatayo ang dream house sa edad na 24; nagtipid nang bonggang-bongga

Ervin Santiago - August 01, 2021 - 10:12 AM

HALOS lahat ng kinita ng Kapuso leading lady na si Sanya Lopez sa mga nakaraan niyang protekto sa GMA ay inilaan niya sa pagpapagawa ng kanyang dream house.

Inamin ng dalaga na talagang nagtipid siya nang bonggang-bongga para makapag-ipon at maipatayo ang pinapangarap niyang bahay.

At sa edad niyang 24, masasabi ng sexy actress na kahit paano’y may mga na-achieve na rin siya sa buhay dahil na rin sa kanyang pagsisikap at pagiging wais sa pera.

Sa nakaraang virtual presscon ng GMA para sa pagre-renew ng exclusive contract ni Sanya, nagbigay siya ng ilang tips sa mga kabataang nangangarap ding makapagpatayo ng kanilang dream house.

“Ang ginawa ko lang po talaga lahat po ng iniipon ko, lahat ng pinagtrabahuhan ko dapat may napupuntahan na agad siya.

“Hindi siya ‘yung nandiyan lang ‘yung nakikita mo. Kapag nakikita mo kasi ‘yung money mo hindi mo alam saan papunta minsan, e.

“So, mas maganda na nakaisip ka na na, ‘Itong kita ko, itong kikitain ko naka-set na dito sa lupa or nandito na para sa bahay,'” pahayag ng dalaga.

Aniya pa, talagang pinigilan niya ang sarili na bumili ng mga mamahaling gamit tulad ng mga branded bag at sapatos para mas mabilis na makaipon. 

Kuwento pa ng kapatid ni Jak Roberto, minsan lang daw siya bumili ng medyo may kamahalan na sapatos para sa kanyang sarili dahil magagamit naman niya ito sa trabaho.

“Kasi sabi nila kailangan ko rin ng mga ganong klaseng shoes, so tinray ko bumili isang beses lang po talaga pero mas sa ngayon po talaga mas naka-focus ako sa pag-aayos nitong bahay.

“Si Ate Kakai (Bautista, nakasama niya sa First Yaya) sinasabi niya sa ‘kin kailangan mo ‘yan, kailangan mo rin invest-an sarili mo,” she added. “Sabi ko, ‘Yes Chang, dadating tayo doon,'” kuwento pa ng Kapuso star.

Dagdag pa niya, kapag may mga nakita siyang magagandang bag at sapatos, iniisip muna niya nang matagal kung kailangan ba niya ito talaga o luho lamang. 

Samantala, mapapanood ang galing ni Sanya sa pagrampa ng iba’t ibang klase ng style ng parasela walk sa kaabang-abang na fresh episode ng “The Boobay and Tekla Show” ngayong gabi.

Gagabayan naman ng Mema Squad–na binubuo nina Ian Red, Pepita Curtis, Kitkat, at ni Britain’s Got Talent alumna na si Mariko ng MissTres fame — si Sanya tungkol sa mundo ng beauty pageant na siguradong maghahandog ng kasiyahan sa mga manonood. Magagawa kaya niya lahat ng ito ng perpekto?

Ibabahagi din ni Sanya ang kanyang sikreto sa pagiging sexy at malalaman din ang kanyang kasalukuyang relationship status sa “May Pa-Presscon”. May lovelife na nga ang aktres?

Sa nakatutuwang segment naman na “Ang Arte Mo”, ipakikita ng Agimat ng Agila star ang kanyang galing sa komedya sa pamamagitan ng pag-improvise ng mga linya habang gumaganap sa isang eksena kasama sina Boobay at Tekla.

Nagbabalik din ang paboritong challenge ng mga manonood na “Birit Showdown” na susubukan nina Sanya, Boobay, Tekla, at Mema Squad para ipakita ang kanilang pinakamahusay na bersyon sa pag-awit ng popular birit hits.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kaya tutok na sa bagong episode ng “The Boobay and Tekla Show” ngayong Linggo, 10:15 p.m. pagkatapos ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending