Hidilyn Diaz magbibigay ng suporta sa kanyang weightlifting community


HALOS bumaha ang blessings ni Hidilyn Diaz mula nang masungkit nito ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas.

Bukod kasi sa matatanggap nitong pera, marami ring mga kumpanya ang nagbigay ng regalo sa kanya dahil sa pagkapanalo nito.

Mula sa libreng flights, condominium, bahay at lupa, sasakyan, at kung anu-ano pa, hindi na nga mabilang ang blessings na patuloy na dumarating sa ating weightlifting fairy.

Sa kabila ng nag-uumapaw na suporta natatamo, hindi naman nakakalimot ang dalaga na ibalik sa Panginoon ang mga biyaya na kanyang natatanggap.

Sa panayam niya kasama si Gretchen Ho, nabanggit ng Pinay athlete ang pagbibigay ng tithes nang tanungin siya kung ano ang plano niya sa perang matatanggap niya.

“Sa totoo lang wala pa akong plano, syempre magbibigay ako ng tithes… Alam ko magsi-save ako for our future, my future,” saad nito.

Hindi rin naman makakalimutan ng Pinay athlete ang pagbibigay suporta sa kanyang weightlifting community.

Marami naman ang mas humanga sa kanya dahil bukod sa deserve na deserve niya ang lahat ng mga bagay na natatamasa, nanatili pa rin itong humble at marunong lumingon sa pinanggalingan.

Nang tanungin naman siya kung ano ang susunod niyang plano pagkatapos ng Tokyo 2020 Olympics, sinabi ng dalaga ang kagustuhan na magpatuloy at sumali sa susunod na SEA Games at Asian Games.

Giit pa nito, nasabi na raw kasi niya na isa siya sa mga magiging representatives ng bansa sa susunod na SEA Games.

“Kung kaya pa, gusto kong magtuloy-tuloy kasi ayokong bumaba ang standard ng Philippine weightlifting. Gusto ko ‘yung susunod sa’kin magaling at alam mo ‘yun, tuloy tuloy ang galing ng weightlifters,” pagbabahagi niya.

Mabuhay ka, Hidilyn! Patuloy mong pinapatunayan na hindi lang sa aspeto ng palakasan bagkus pati rin sa aspeto ng pagpapaka-tao na deserving ka sa lahat ng mga natatanggap mo ngayon.

Read more...