Jak Roberto, Barbie Forteza binaha at nilindol nang magpabakuna

 

IBINAHAGI ng Kapuso couple na sina Barbie Forteza at Jak Roberto sa vlog ng aktor ang kanilang naging karanasan nang sila ay magpabakuna laban sa COVID-19.

Hindi naman nila inaakala na baha ang sasalubong sa kanila habang papunta sa vaccination site.

Nagkataon kasi na natapat sa kasagsagan ng bagyong Fabian ang 2nd dose vaccination schedule ng dalawa kasama ang ama ng aktres.

“Grabe ngayon ko lang nasubukan ko, lumusong sa baha,” paglalahad ng aktor.

Buong pag-aakala ng dalawa, tapos na ang challenge dahil nakarating sila nang matiwasay sa kanilang vaccination site, bigla namang lumindol.

Dama sa boses ni Barbie ang pag-aalala dahil lumabas ang ama sa sasakyan para mag-inquire para sa kanilang schedule.

Bukod pa rito, nag-aalala si Jak dahil nasa kalsada sila at maraming mga buildings na nakapaligid.

“Ang lakas ng lindol, umuuga lahat ng puno,” saad ni Jak.

“Struggle is real. Ngayon lang ako naka-experience ng lindol na gising. Nakakahilo pala na nakakasuka,” pagpapatuloy niya sa nangyaring lindol at aftershock.

Mabuti naman at safe ang lahat pati na rin ang mga tao sa vaccination area kaya natuloy sila sa kanilang second dose.

Hinikayat naman ng dalawa ang publiko na magpabakuna lalong-lalo na ang mga nagtatrabaho dahil malaking tulong ito para maproteksyunan ang sarili pati na rin ang pamilya.

Dagdag pa nila, mahalaga ang bakuna para malabanan ang posibleng outbreaks at para mapanatiling ligtas ang bansa.

Read more...