Makikialam ba ang China sa 2022 presidential election?

Si Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.

Noong Lunes, tinakot at nagbitiw ng mga maanghang na salita ang Pangulong Duterte laban kay dating DFA secretary Albert del Rosario matapos magsabi ito na nakialam ang China upang manalo si Duterte noong 2016 presidential election.

Ang ganitong eksena ay hindi na bago. Mula ng umupo bilang pangulo si Duterte, halos lahat ng kumontra at nagsalita laban sa kanya ay nakatikim ng mga ganitong klaseng salita at pang-iinsulto. Mura, pananakot, personal na insulto, walang basehang akusasyon, at iba pa. Nakalimutan niya na yata na maski ang pangulo ay pwedeng punahin at kontrahin ng kahit sinong mamamayan. Dapat siguro na ipaalala sa kanya na siya ay inihalal bilang pangulo at hindi hari.

Nakialam nga ba ang China noong 2016 para siguruhin ang pagkapanalo ni Duterte bilang pangulo?

Ang naging basehan ni del Rosario upang sabihin ang tungkol dito ay ang natanggap niyang information na galing sa “highly trustworthy international institution” na nagsabi na ilang opisyal ng China ang nagyabang at pinagmalaki na naimpluwensyahan nila ang 2016 presidential election para manalo si Duterte. Inugnay ni del Rosario ang mga kilos at salita ni Duterte na nagpapakita ng pabor sa China dahil sa diumanong pagtulong ng China na manalo ito sa halalan noong 2016.

Si del Rosario ay isang maginoo, marangal at disenteng tao. Kilala at ginagalang siya bilang isang magaling na diplomat dito sa Filipinas at ibang bansa. Siya ay isang kapani-paniwalang tao. Hindi natin sinasabi na totoo nga ang mga paratang ni del Rosario. Bukod sa kanyang marangal na salita at walang dudang pagmamahal at malasakit sa inang bayan, wala naman itong ipinakitang ibang ebidensiya upang patunayan ito.

Ngunit ang akusasyon ni del Rosario ay isang seryosong bagay at nakakabahala. Soberanya at teritoryo ng bansa ang nakasalalay dito. Dapat bigyan pansin ng Kongreso at ng taong-bayan ang usaping ito, lalo pa na ngayon marami ang nagdududa sa katapatan ni Duterte dahil sa isyung West Philippine Sea at nalalapit na naman ang presidential election.

Hindi maitatanggi na malaki ang interest ng China sa ating bansa, partikular ang usapin tungkol sa West Philippine Sea. Gugustuhin ng China na ang susunod na pangulo ng ating bansa ay isang kaalyado nito, isang “kaibigan” na pro-China. Isang katulad ni Duterte.

Sa pagnanais ng China na maprotektahan ang kanilang interest, hindi natin maalis sa ating isip na baka makialam at gumawa ito ng mga kilos at hakbang upang matiyak na ang susunod na pangulo ng ating bansa sa 2022 ay yung kaalyado nila. Isang pro-China. Isang katulad ni Duterte.

Sa 2022 presidential, vice-presidential at senatorial election, ating suriin sanang mabuti kung sino sa mga kandidato ang pro-China. Kasama dito ang mga kandidatong may mga naging kaugnayan at relasyon sa China habang nanunungkulan. Pati na yung mga kandidatong natakot kontrahin si Duterte sa usaping West Philippine Sea. Lalo na yung mga kandidatong nanahimik at hindi nagsalita habang ang ating mga teritoryo sa West Philippine Sea ay walang pakundangang sinasamsam ng China. Isama na rin yung mga kandidatong naging pipi’t bulag habang tinatapakan at niyuyurakan ng China ang ating soberanya.

Alamin sa 2022 ang mga “Manchurian Candidate” o yung kandidato ng China lalo na sa pagkapangulo. Sa China sila dapat manungkalan at manumpa. Wala silang lugar sa ating bansa.

——————————————————————-

Ang huling Pulse Asia survey ay nagsasabi na lumiit ang sumusuporta sa Pangulong Duterte.

Matatandaan na halos nasa 91% ang performance rating ni Duterte noong October 2020 ngunit sa huling survey para sa pagka vice-president, nakakuha lang ito ng 18%. Lamang lang siya ng 4% sa pumangalawa na si Mayor Isko Moreno. Saan napunta ang 91% o 73% na sumuporta at nagsabi na maganda ang performance ni Duterte noong October 2020?

Totoo na iba ang survey sa performance rating sa vice-presidential survey, pero hindi maikakaila na malalaman sa dalawang survey na ito ang pulso ng taong-bayan. Pareho lang ito na indikasyon ng kagustuhan ng tao.

Mukang hindi katanggap-tanggap sa mga tao na tumakbo at maging vice-president si Duterte sa 2022, lalo na ngayon na ipinaalam niya sa sambayanan ang dahilan kung bakit gusto niyang tumakbo at maging vice-president. Para magkaroon lang ng immunity from suit. Para lang pala makaiwas sa demanda at kulong.

Read more...