Taun-taon ay may pinagtitibay na pambansang pondo ang kongreso base sa mga isinusumiteng budget proposal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Bago mapagtibay ang national budget ay dumadaan ito sa masusing pagtatasa ng mga mambabatas at kanilang tinitiyak na iyong mga importanteng proyekto lamang ang mapaglalaanan ng pondo ng bayan.
Kapag ito ay naging isang ganap na batas, ang General Appropriation Act kada taon ay nagsisilbing armas ng pamahalaan para magampanan ng maayos ang kanilang mga tungkulin sa bayan.
Ano ang mangyayari kapag inipit ang pondong ito tulad na lamang ng ipininupukol na isyu ngayon kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado?
Laman ng balita ngayon ang pag-ungkat ng ilang mga mambabatas sa P160 billion na pondong bahagi ng General Appropriation Act na ayon nga kay Sen. Franklin Drilon ay minarkahan ng DBM ng FLR o “For Later Release”.
Sa isang radio interview, sinabi ni Avisado na trabaho nilang mag-release ng pondo hindi mang-ipit ng budget ng gobyerno.
Pero tila iba ito sa pangyayari lalo’t hindi pa nasasagot ng maayos ang tanong ng ilang mambabatas kung bakit hindi pa rin nailalabas ang bahagi ng GAA na P160 billion na pondo na nakalaan sa ilang proyekto kontra Covid-19 ng gobyerno.
Mismong ang pangulo na nga ang nagsabi na dapat mailabas kaagad ang mga pondong nakalaan sa paglaban sa pandemic pero tila nagte-tengang kawali dito si Avisado.
Tapat ang pamahalaan sa kanilang kampanya kontra Covid-19 pero dahil sa pagpapatupad ng DBM sa “FLR” ay hindi maiwasang mag-isip ng ilan na baka gamitin sa eleksyon ang naturang pondo.
Mainit ang pangulo sa usapin ng tongpats sa mga proyekto ng pamahalaan kaya naniniwala ako na kakastiguhin niya sinuman ang sangkot sa isyung ito lalo na kung ang “FLR” ay mapapatunayang totoo at ginagamit para paburan lamang ang ilang naka-upo sa pwesto.
Malapit na ang panahon ng eleksyon kaya dapat na mas maging maingat ang mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga kilos lalo na kung pondo ng bayan ang pinag-uusapan.
Napaka-pangit tingnan na sa panahon ng pandemya ay masisira ang tiwala ng publiko sa mga lingkod-bayan dahil lamang sa pag-ipit sa pondo na dapat sana ay napapakinabangan ng sambayanan.