‘First Yaya’ director biglang naalala si Wenn Deramas sa viral ‘basura’ comment ni Andoy Ranay
HINDI pa rin humuhupa ang tensyon sa pagitan ng Kapamilya director na si Andoy Ranay at ng ilang mga personalidad na konektado sa Kapuso network.
Pagkatapos maglabas ng saloobin sina Jaclyn Jose, Ai Ai delas Alas, Suzette Doctolero at iba pang mga taga-GMA laban sa “basura” comment ni Direk Andoy ay may patutsada rin sa kanya ang direktor na si L.A. Madridejos.
Matagal nang Kapuso si Direk L.A. at ang huli nga niyang project sa network ay ang katatapos lang na “First Yaya” na pinagbidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.
Hindi rin nakapagpigil ang direktor na maglabas ng sentimyento patungkol sa naging komento ng kapwa niya direktor si Andoy Ranay na naging kontrobersyal nga dahil s nag-viral niyang “basura” comment tungkol sa ilang teleserye na napapanood sa TV.
Sa kanyang Facebook account, naikuwento ni L.A. ang naging usapan nila noon ng yumaong direktor na si Wenn Deramas. Nagsilbi rin kasi siyang assistant director ni Direk Wenn sa ilang proyektong ginawa nito.
Pumanaw naman si Direk Wenn noong Feb. 29, 2016 dahil sa cardiac arrest.
Minsan daw kasi silang nagkakuwentuhan, tinanong niya si Direk Wenn kung ano ang feeling niya kapag sinasabing “basura” raw ang mga ginagawa niyang pelikula. Kabilang sa mga blockbuster movies ng direktor ay ang “Sisterakas” (2012), “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” (2013), “The Amazing Praybeyt Benjamin” (2014), at “Beauty and the Beastie” (2015).
Ayon kay Direk L.A., “Naalala ko nu’n nabubuhay pa si direk Wenn, maraming nagsasabi na ‘basura’ ang mga pelikulang gawa nya.
“Tinanong ko sya kung anong reaction nya dito. Sabi nya, ang nagsasabi na basura yung gawa nya e yung mga taong hindi makagawa ng gawa nya.
“So ang ending, lalaitin nalang nila. Ang importante daw kay direk Wenn, sigurado syang marami syang viewers na napapasaya… at madalas kumita ng more than 100M ang mga pelikula nya,” lahad ng Kapuso director.
“Sabi pa nya, hindi daw nya kelangan manlait ng gawa ng iba para patunayan na mahusay sya. Lalo na at maliit lang ang industriya namin. Pero marami din syang inokray ng patago. Haha.
“Naalala ko lang. namiss kita direk Wenn. #ProudToBeAKapuso,” sey ni L.A.. na siya ring nagdirek ng “Meant To Be” ni Barbie Forteza at “My Special Tatay” nina Ken Chan at Rita Daniela.
Naging kontrobersyal ang pahayag ni Andoy Ranay sa isang panayam kung saan sinabi nga nito na puro de-kalidad ang ginagawa nilang teleserye sa ABS-CBN kahit wala silang prangkisa.
“Yun naman, so aanhin mo ang franchise kung basura naman ang trabaho, wow! Hahahaha! Grabe! I mean, di ba?
“Parang mas masarap na lang magtrabaho kahit bawas ang suweldo, kahit hindi laging may trabaho, pero alam mo na yung quality ng trabaho yung maibibigay mo sa audience mo ay ‘In the Service of the Filipino,’ we have responsibility to our audience.
“Kaya iyon ang ibibigay natin, hanggang dulo magkakasama tayo,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.