GRABE ang mga pasabog na eksena sa bawat episode ng GMA Afternoon Prime series na “Ang Dalawang Ikaw” nina Ken Chan at Rita Daniela.
Talagang walang araw na hindi ka mawiwindang at masa-shock sa twists and turns ng kuwento, lalo na nitong nagdaang linggo kung saan napanood ang pagbabalik ni Nelson (Ken) sa kanyang core persona.
Dito, nalaman na nga na meron siyang dissociative identity disorder (DID) o split personality disorder kaya nagpapalit ang kanyang personalidad.
Pilit na ipinaglalaban ni Mia (Rita) ang pagmamahal niya sa asawang si Nelson at ginagawa ang lahat para hindi na ito bumalik sa alter personality niyang si Tyler na ikinasal naman kay Beatrice (Anna Vicente).
Pero siyempre, hindi rin magpapatalo Beatrice at handa ring itaya ang kanyang buhay para sa kanya mapunta ang asawang si Tyler. Winner na winner ang mga confrontation scene nina Rita at Anna sa serye lalo na ang palitan nila ng mga hugot lines.
Pero ang talagang pinupuri ng viewers ay ang napakagaling na pagganap ni Ken sa hit afternoon series ng GMA.
Napakahirap daw ng role ng binata pero kering-keri niya itong gampanan nang bonggang-bongga. Wala raw silang maisip na young actor ngayon sa Kapuso network na babagay bilang sina Nelson at Tyler.
Hindi na rin kami magtataka kung manalong best actor sa susunod na awards season si Ken para sa “Ang Dalawang Ikaw” dahil talaga namang pinatunayan niya ang kanyang husay bilang versatile actor.
Dahil nga sa sobrang effective ng pagganap ng aktor sa nasabing serye ay marami na ang natatakot sa kanya lalo na kapag nagagalit na siya at nagpapalit-palit ng persona.
Reaksyon ng isang adik na adik sa serye, “Grabe si Ken! Ikaw na talaga ang new drama king ng bagong generation. Hirap ng role ni Ken! Kakapagod ang akting niya pero superb ang ganapan. Nangangamoy best actor na naman!”
Napapanood ang Kapuso seryeng “Ang Dalawang Ikaw” mula Lunes hanggang Biyernes, 2:30 p.m., pagkatapos ng “Eat Bulaga”. Ito’y mula sa orihinal na konsepto ni Geng Delos Reyes-Delgado at mula sa direksyon ni Jorron Lee Monroy.