Angel handa nang magka-baby: Hindi naman basketball team, mga isa o dalawa pwede na

MUKHANG matatagalan nga bago uli gumawa ng teleserye o pelikula ang aktres at TV host na si Angel Locsin.

Siniguro ng award-winning Kapamilya star na hinding-hindi niya iiwan at tatalikuran ang entertainment industry pero kailangan daw muna niyang pagtuunan ng pansin ang personal niyang buhay.

Sa ngayon, ibubuhos muna ni Angel ang kanyang panahon at energy sa paghahanda sa kasal nila ni Neil Arce at isasantabi muna ang career niya sa mundo ng showbiz.

Ipinagdiinan din ng aktres na si Neil na talaga ang kanyang “the one” at handang-handa na siyang pasukin ang next level ng buhay niya bilang wifey and eventually bilang mommy.

“Yes, walang duda. Si Neil din naman kasi he’s very supportive talaga. Iba kasi ‘yung partner, iba ‘yung lover. 

“‘Yung partner kasi alam mong hindi ka iiwan sa ere kahit anong mangyari. Napakasarap lang ng pakiramdam ng ganu’n,” pahayag ni Angel sa chikahan nila ni Matteo Guidicelli sa podcast nitong “MattRuns.”

Chika ng fiancée ni Neil, wala pa siyang masasabing kongkretong plano tungkol sa kanyang career bilang artista, ngunit siniguro niya na babalik at babalik siya sa larangan ng pag-arte.

“Ngayon talaga, lie low talaga ako. Hindi ko masabing stop kasi bilang artist, hahanap-hanapin mo rin talaga. Pero sa ngayon, lie low muna ako.

“Gusto ko lang talagang ramdamin at i-absorb kung paano mag-prepare para sa isang married life,” pahayag pa ni Angel.

Super excited na rin ang dalaga sa pagkakaroon ng sariling pamilya at talaga raw pangarap niya noon pa na maging nanay.

“Pero hindi naman basketball team. Mga isa or dalawa. Dati twins ang gusto ko pero nakita ko ‘yung mga kaibigan ko na may mga anak, parang hindi ko kaya na sabay.

“Kailangan nakatutok ka talaga. Kung mabigyan ako ng blessing ni Lord, go. Feeling ko stage mother ako,” natatawang chika ng aktres kay Matteo.

Nang tanungin kung papayagan ba niyang mag-artista ang magiging anak nila ni Neil, “Well kung gusto nila. Pero siguro sa umpisa commercial lang tapos aral muna.”

Katwiran ni Angel, “Kasi hindi ako graduate eh. Alam ko kung gaano kaimportante ‘yung pag-aaral. Alam kong may mga achievements ako pero iba pa rin talaga ‘yung may diploma ka. Pwede mo iyon dalahin kahit nasaan ka. Hindi ‘yun mananakaw sa iyo.” 

Ten years from now, paano nai-imagine ni Angel ang kanyang buhay? “Sana ma-bless ako ng anak, ng isang simpleng masayang pamilya. 

“Kung ano man ang ginagawa ko sa mga panahon na ‘yun, ako ay masaya, kampante at may takot sa Diyos at malayang nagagawa ang ginagawa ko ng walang pag-aalinlangan,” sabi pa ng tinaguriang real life Darna.

Read more...